‘Alipato at Muog’ hindi na X-rated, pinalitan ng R-16 ng MTRCB

'Alipato at Muog' hindi na X-rated, pinalitan ng R-16 ng MTRCB

PHOTO: Facebook/Alipato at Muog

BINIGYAN ng Restricted 16 o R-16 ang pelikulang “Alipato at Muog” ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa ikalawang review nito.

Ang grupo na gumawa ng ikalawang pagsusuri para sa documentary film ay binubuo ng komite mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan na kinabibilangan nina Atty. Gaby Concepcion, Atty. Paulino Cases, Jr., producer sa pelikula at telebisyon na si JoAnn Bañaga, executive at music producer na si Eloisa Matias, at ang retiradong guro na si Maria Carmen Musngi.

Paliwanag ng komite, binibigyang konsiderasyon nila ang kahalagahan na mabalanse ang interes hindi lamang ng malayang pagpapahayag kundi maging ang interes ng bansa sa pagpapanatili ng integridad nito at ng kaayusan ng publiko.

Baka Bet Mo: Playtime nina Xian at Coleen R-16 sa MTRCB, pero ‘di dahil sa boobs, pwet

Bukod dito, ipinaliwanag rin nila na kinakailangan ang mas malawak na pag-iisip para maintindihan at maunawaan ang mga seryosong usapin na nais ipakita ng dokumentaryo habang tinitiyak na hindi malalagay sa alanganin ang paniniwala at kumpiyansa ng manonood sa pamahalaan.

Ang R-16 ay para lamang sa mga edad 16 pataas, samantala, nilinaw ng MTRCB na bagamat suportado nito ang mga pelikula at programa na ipinapalabas sa mga kolehiyo at pamantasan na siyang nagsisilbing plataporma pagdating sa pagpapahalaga ng mga pelikula, kinakailangan din na maintindihan ng publiko na ang public exhibitions ng mga pelikula sa paaralan ay nananatiling sakop ng mandato ng MTRCB.

Susog ito sa Section 7 ng Presidential Decree No. 1986 at sa umiiral na Implementing Rules and Regulations (IRR) kung saan tanging ang mga pelikula, TV program at pampublikong materyal na direktang iniimprenta o pinapalabas ng pamahalaan o ng mga ahensya ng gobyerno ay malaya at hindi na kinakailangan pang suriin o klasipikahin ng MTRCB.

Read more...