MAY post ang aktres na si Judy Ann Santos-Agoncillo sa kanyang Facebook account ng kanyang larawan na may koneksyon sa bago niyang project.
May kalakip itong poster ng pelikulang “Espantaho,” script na may nakasulat na “Screenplay by Chris Martinez and Directed by Chito S. Rono” at may nakalagay na “support me.”
Ang caption ng aktres sa kanyang post, “Judy Ann Santos, Bibida sa Bagong Horror Movie na ‘Espantaho’ sa Ilalim ng Direksyon ni Chito S. Roño.
“Excited ang lahat dahil muli na naman magbabalik sa big screen para sa isang horror movie na pinamagatang ‘Espantaho’.
Baka Bet Mo: Judy Ann Santos handa na ba sa pagbabalik-horror para sa MMFF 2024?
“Abangan ninyo ang bagong movie na kakakilabot ang storya, sa script palang nakakatakot na.
“Muli na naman sasabak ang Judy Ann Santos sa pilikulang nakakapangilabot.”
Sa pagkakaalam namin ay ilang araw nang nagsu-shoot ang horror movie na “Espantaho” pero ngayon lang nag-post ang aktres na sabi nga ay “excited” siya dahil ang ganda ng kuwento lalo’t si direk Chito pa ang direktor na ang forte ay horror films.
Walang binanggit kung isasali sa 2024 Metro Manila Film Festival ang “Espantaho” pero sana nga intended ito para sa 50th year ng MMFF dahil may suwerte si Juday kapag ganitong season kung saan dalawang beses na siyang nanalong best actress.
Matatandaang best actress siya sa pelikulang “Kasal, Kasali, Kasalo” sa 2006 MMFF na idinirek ni Jose Javier Reyes kung saan nakasama niya ang asawang si Ryan Agoncillo.
Sinundan ng pelikulang “Mindanao” mula sa direksyon ni Brillante Mendoza na entry noong 2019 MMFF at muli siyang nanalo rito ng best actress.
Bukod tanging sa pelikulang “Si Agimat, si Enteng Kabisote at si Ako” na entry naman noong 2012 MMFF ang hindi siya nakapag-uwi ng tropeo.
Kaya abangers ang supporters at friends ni Juday kung pang-MMFF 2024 ang “Espantaho” at naniniwala kaming magiging blockbuster ito dahil kilala naman ang record ni direk Chito pagdating sa horror films.
Samantala, nag-post din si Quantum producer Atty. Joji Alonso kagabi ng larawan ng nakabukas na bintanang gawa sa Capiz shells habang umuulan with matching Tungsten lights sa loob ng bahay.
Ang caption ni Atty. Joji ay, “A rainy day shoot. #Espantaho. A film by Chito S. Rono.”