DONAIRE pinatumba si DARCHINYAN

NADAGDAGAN lang ng apat na rounds ang ikalawang pagkikita nina Nonito Donaire Jr. at Vic Darchinyan ngunit ang katapusan ay katulad sa unang tapatan noong 2007.

Ipinatikim uli ni Donaire ang ipinagmamalaking kaliwang hook para hiritan ng technical knockout panalo si Darchinyan kahapon sa American Bank Center sa Corpus Christi, Texas, USA.

Nangangamoy talo si Donaire sa non-title fight sa featherweight division dahil angat ang 37-anyos Armenian boxer sa 78-74, sa dalawang hurado matapos ang walong round sa 10-round bout.

Pero nagbunga ang paghihintay ni Donaire na pakawalan ang pamatay na suntok upang itigil ni referee Lawrence Cole ang laban sa 2:06 ng ninth round.

Noong Hulyo 7, 2007 unang nagkasukatan ang dalawa sa flyweight division at nanalo ang 30-anyos na si Donaire gamit ang fifth-round knockout panalo.

“I was trying to work on a different style. They kept telling me to box, box, but I wanted to fight,” wika ni Donaire sa kung bakit naunang nakapagdomina si Darchinyan sa laban.

Isang malakas na suntok ang tumama sa kanyang pisngi at nasaktan siya at pumasok sa kanyang isipan na matatalo sa laban.
“Part of my mind was saying, ‘Is this it for me? I’m losing the fight should I keep going?

But I put my heart into it and said I’ll never, never quit,” dagdag pa ni Donaire. Ito ang ika-32 panalo sa 34 laban, kasama ang ika-21 KO, ni Donaire at tinabunan nito ang unanimous decision na pagkatalo kay Cuban Guillermo Rigondeaux noong Abril para maisuko ang hawak na WBO super bantamweight title.

Ipinarating din ni Donaire ang kanyang kahandaan na harapin muli si Rigondeaux na babalik ng ring sa Disyembre 7 laban kay Joseph Agbeko ng USA.

Pinasalamatan din ni Donaire ang mga Filipino na nanalangin at nanood ng kanyang laban kahit ang bansa ay bumabangon matapos hagupitin ni super typhoon Yolanda ang Kabisayaan.

Ito ang ikaanim na pagkatalo sa 46 laban ni Darchinyan, at pangatlo sa huling limang laban mula 2011.

( Photo credit to INS )

Read more...