Lagpas 100 nasawi sa ngitngit ni ‘Yolanda’

HINDI bababa sa 13 katao ang nasawi habang 11 pa ang nawawala sa iba-ibang bahagi ng bansa dahil sa mga insidenteng dulot ni super typhoon “Yolanda,” ayon sa mga awtoridad.

Gayunpaman, inaasahang tataas pa ang bilang dahil may mahigit 100 katao pa ang pinangangambahang nasawi sa Eastern Visayas lamang.

Inulat ng mga sundalong pinadala sa Tacloban City na nakakita sila ng “undetermined number of casualties” sa mga kalsada doon, sabi ni Lt. Jim Alagao, tagapagsalita ng Armed Forces Central Command.

“As to the estimate, the report only says ‘madaming madami,’” ani Alagao. “Huge devastation, ‘yun ang naging description ng tropa. ‘Yung mga bahay na gawa sa light materials nabura, halo-halo ang debris sa kalye, may mga sasakyan, mga yero na pakalat-kalat, talagang nagulo ‘yung lugar,” aniya.

Una rito, sinabi ni John Andrews, deputy director ng Civil Aviation Authority of the Philippines, sa isang panayam sa radyo na nakatanggap siya ng ulat na mahigit 100 bangkay ang nakita sa Tacloban City.

Nagpalipad ng dalawang C-130 plane ang Air Force patungong Tacloban City kahapon ng umaga para magdala ng gasolina at relief goods, ani Alagao.

Bitbit din ng mga eroplano ang isang crisis action team, medical team, at mga power generator, sabi naman ni Lt. Col. Ramon Zagala, hepe ng Armed Forces public affairs office.

Habang isinusulat ang istoryang ito, nakatakda ring lumipad patungong Tacloban ang 150 pulis sakay ng C-130. Tutulong ang contingent na magproseso sa mga nasawi, magsasagawa ng search and rescue operations, at aayuda sa pagsasaayos ng mga linya ng komunikasyon, ayon sa PNP public information office.

Sa ibang dako ng bansa, kinumpirma ng mga awtoridad na nag-iwan si “Yolanda” ng di bababa sa 13 patay at 11 nawawala.
Pagkakuryente ang ikinasawi nina Enex Deinla, 15, ng San Jacinto, Masbate; Rhandy Cejar, 56, ng Calinog, Iloilo; at Jimmy Cabilan, 56, ng Lingig, Surigao del Sur, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Binawian naman ng buhay si Regie Bucoy, 2, nang tamaan ng kidlat sa Zamboanga City, ayon sa ahensiya. Isa pang tao ang nasawi nang makuryente sa Malinao, Aklan, habang isa naman ang nasawi nang mabagsakan ng pader sa Sigma, Capiz, sabi ni Chief Supt. Agrimero Cruz, direktor ng Western Visayas regional police.

Pito kataong sakay ng dalawang pumpboat ang nawawala pa sa Caluya, Antique, ani Cruz. Marami pang insidente ang inaashaang maiuulat kapag naibalik na ang kuryente at linya ng komunikasyon sa mga apektadong lalawigan.

Hanggang kahapon ay pinipilit pa rin ng mga awtoridad na marating ang mga lugar na na-“isolate” dahil sa bagyo.
“Hindi pa namin maabot ang Aklan dahil may mga nakaharang pa sa mga daan, wala ring communication… hindi pa rin namin maabot ‘yung northern Negros Occidental,” ani Cruz.

Sa Coron, Palawan, tatlo katao naman ang nasawi nang “maaksidente” habang patungo sa evacuation center noong binabayo ni “Yolanda” ang lugar Biyernes ng gabi, sabi ni Chief Supt. Melito Mabilin, direktor ng Mimaropa regional police.

Nang makalampas na ang bagyo kahapon, nililikas pa rin ng mga pulis ang mga residente ng dalawang barangay sa Baco, Oriental Mindoro, dahil sa tubig-ulang rumagasa pababa ng kabundukan, ani Mabilin.

“Hindi sila nag-evacuate kasi okay naman ‘yung lugar, walang history ng baha at malapit sa bayan, pero ‘yung tubig from the mountains, ‘yun ang malakas… wala nang bagyo pero ‘yung tubig sa bundok bumababa,” aniya.

Sa Medellin, Cebu, dalawang tao ang nalunod habang isa pa ang nabagsakan ng nag-collapse na bahay, sabi ni Chief Supt. Danilo Constantino, direktor ng Central Visayas regional police.

Tatlo katao pa ang nawawala sa rehiyon at 15 na ang naiuulat na nasugatan, ani Constantino. “Sa ngayon ‘yung northern Cebu medyo isolated pa at wala pa tayong contact doon except sa San Remegio… all in all lumalabas na walong municipalities ito, tatlo sa Bantayan Island at lima sa northern part ng Cebu mainland,” aniya.

Ang Bohol, na matinding napinsala at dumanas ng blackout dahil sa 7.2-magnitude lindol noong Oktubre, ay muli na namang nagdilim dahil sa bagyo.

Umaasa kasi ang lalawigan sa kuryenteng mula Tacloban, kaya maari nitong maranasan ang blackout sa loob ng tatlo pang araw, ani Constantino.

Sa Bauan, Batangas, isang Roberto Pelicano ang nalunod nang mabahura at lumubog ang pinagtatrabahuhan niyang tugboat dahil sa malalaking alon kahapon ng umaga, ani Vicente Tomazar, direktor ng Office of Civil Defense-Calabarzon.

Isa pang crew ng tugboat na Panama 17 ang nasugatan sa insidente habang ang anim pa’y nagalusan nang tumalon sa dagat, ani Tomazar.

Sa bayan ng San Pascual, lima katao ang nasugatan nang mabagsakan ng daan-taong puno ng akasya ang sinakyan nilang tricycle Biyernes ng gabi, ayon kay Senior Insp. Dwight Fonte, tagapagsalita ng Batangas provincial police.

Dalawang mangingisda naman mula Agdangan, Quezon, ang nawawala matapos pumalaot sa kabila ng babala ng mga lokal na awtoridad, ayon kay Tomazar.

Sa Caraga region, unti-unti nang lumilinaw ang tunay na lakas ng bagyo kasabay ng pagdating ng ulat ng mga pinsala.
Winasak ni “Yolanda” ang 31 bahay at sinira ang 378 pa sa apat na bayan ng Dinagat Islands pa lamang, ayon kay Liza Mazo, direktor ng Office of Civil Defense-Caraga.

Labing isang paaralan, limang pasilidad ng gobyerno, at tatlong tulay ang napinsala sa lalawigan, kung saan may naitalang inisyal na P1.574 milyon halaga ng di na mapakinabangang palay, mais, cassava, at nagbubungang puno, sabi ni Mazo sa kanyang ulat.

Dumanas naman ng blackout ang mga bayan ng Tago, Cortes, Lanuza, Carmen, Madrid, Cantilan at Carrascal sa Surigao del Sur, aniya.

Naibalik na ang kuryente sa ilang bahagi ng Surigao del Norte, ngunit 30 porsiyento pa ng Siargao Islands ang walang ilaw, aniya.

4 milyon apektado
HUMIGIT-kumulang 905,253 pamilya o 4,082,104 indibidwal sa 36 probinsya ang apektado ng bagyong Yolanda kaya nagdesisyon si Pangulong Aquino na lumikha ng mga command posts sa labas ng Metro Manila upang mangasiwa ng relief operation.

Iniulat ng Department of Social Welfare and Development na aabot sa 142,078 pamilya o 487,195 indibidwal ang nanunuluyan sa 2,467 evacuation center sa pitong rehiyon.

Pinakamarami ang bilang sa Eastern Visayas na mayroong evacuees na aabot sa 47,638 pamilya o 165,828 indibidwal, sinundan ng Bicol (39,803 pamilya o 151, 349 indibidwal) at Western Visayas (20,449 pamilya o 80,342 indibidwal).

Ayon sa DSWD, nakahanda na ang 37,550 food packs at P6 milyon halaga ng pagkain para sa distribusyon sa mga apektadong lugar.

Mayroon din na “standby fund” na P106 milyon ang departamento para sa iba pang pangangailangan ng mga binagyo.

Simpatiya ng mundo
AGAD na dumagsa ang pakikipsimpatiya ng international community sa Pilipinas sa pagbayo ng super typhoon. Nangako naman si US Secretary of State John Kerry na magbibigay ng tulong.

“Having so recently had my own visit to the Philippines prevented by another powerful storm, I know that these horrific acts of nature are a burden that you have wrestled with and courageously surmounted before,” ani Kerry na ipinagpaliban ang pagbisita sa Pilipinas dahil din sa bagyo noong isang buwan.

Sinegundahan naman ito ni European Union Ambassador Guy Ledoux. “The Philippines has been severely tested by nature on several occasions this year.

As it confronts yet another natural calamity I express my solidarity with the Filipino people and my deep sympathy with those who have lost their loved ones or their livelihoods,” ani Ledoux sa kalatas.

Nagpadala naman ang gobyerno ng Britanya ng grupo upang i-assess ang pinsala at alamin ang pangangailangan ng mga biktima, ani Ambassador Asif Ahmad.

“Yet again the resilience of the people of the Philippines is being tested in the aftermath of Typhoon Yolanda. With our expression of concern and sorrow for the victims comes our assurance of help,” aniya Ahmad.

“A team is on its way from the UK to assess needs and then mobilize resources. The fortunate ones will be able to recover quickly but the most vulnerable people will need help to rebuild their shattered lives,” dagdag niya.

Nakisimpatiya rin si  Australian Ambassador Bill Tweddell. “Australia, as a close friend of the Philippines, is deeply concerned for the Filipino people at this difficult time.

I admire the resilience and courage that Filipinos demonstrate under extreme pressure. I note that relief and recovery efforts are still ongoing in areas that were severely affected by the Bohol earthquake and the typhoon that also battered Northern Luzon just last week,” aniya.

‘Tulungan n’yo kami’
HUMINGI naman ng tulong si Rep. Ferdinand Martin Romualdez sa kanyang mga kapwa-mambabatas para muling makatayo ang Leyte.

Sinabi ni Romualdez na naubos na ang calamity fund ng pamahalaan dahil sa sunud-sunod na kalamidad na naranasan ng mga taga-Visayas.

“On the heels of the Zamboanga crisis, the numerous typhoons and the devastating earthquake in the Visayas, which came one after the other, we can imagine a lot of resources are being depleted.

We shall be most appreciative of international donors,” aniya. “The situation in terms of rehabilitation and rebuilding will take several months or years.”

Aniya ang mga sunmusunod ang kailangan ng mga biktima:  tubig, pagkain, gamot at tent.

( Photo credit to INS )

Read more...