IBINAHAGI ni Shiela Guo kung paano sila nakaalis ng Pilipinas ng kapatid na si dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.
Sa naganap na pagdinig sa Senado ngayong araw, August 27, ikinuwento nito na mula sa kanilang farm sa Tarlac ay sinundo silang magkakapatid ng isang van para ihatid sa sasakyang barko paalis ng Pilipinas.
Bukod sa kanila ni Alice Guo, kasama rin nila ang kapatid nilang si Wesley Guo.
“Galing kami sa bahay tapos may sumundo sa amin na isang sasakyan, van… kumbaga after dinner, 7:08 PM, [kami umalis] at ang dating namin hating gabi na po,” saad ni Shiela.
Baka Bet Mo: Kapatid ni Alice Guo na si Sheila Guo nakakulong na sa Senado
Ani Shiela, hindi raw niya alam kung saang lugar sila hinatid para sumakay sa barko dahil hindi sita pamilyar at hindi niya kabisado ang mga lugar sa Pilipinas.
Nang usisain ni Sen. Risa Hontiveros kung anong klaseng barko ang kanilang sinakyan, ang naging sagot ni Shiela ay isang “maliit na puti”.
Kuwento pa niya, pagkatapos nilang sumakay sa maliit na barko ay lumipat pa silang magkakapatid sa mas malaking barko na may mga fishing nets.
Pagkatapos ay muli raw silang sumakay sa isa pang maliit na barko na kulay green o blue.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang paghahanap ng mga otoridad kay Alice Guo.
Matatandaang noong August 22 ay nahuli sa Indonesia si Shiela kasama ang kaibigang si Cassandra Li Ong at parehas na inuwi sa Pilipinas para imbestigahan kaugnay sa pagtakas ng dating alkalde ng Bamban, Tarlac.