BINALIKAN ng mga miyembro ng super P-pop group na SB19 ang matitinding challenges na naranasan nila noong nagsisimula pa lang sila sa entertainment industry.
Inamin ng grupo na may mga pagkakataong gusto na nilang sumuko at mag-quit dahil parang feeling nila, hindi na kaya ng kanilang katawang-lupa ang napakahirap na training.
Dalawang episode ang inilaan ng programang “Fast Talk with Boy Abunda” para sa guesting ng SB19, kahapon, August 26 at ang part 2 na mapapanood ngayong hapon, August 27.
Sa unang bahagi ng programa ay ibinahagi ng tinaguriang P-pop Kings na sina Pablo, Stell, Josh, Ken, at Justin ang mga pinagdaanan nila bago marating estado nila ngayon.
Baka Bet Mo: Justin may ‘struggle’ sa pagiging solo artist, priority pa rin ang SB19
Tinanong ni Tito Boy kung ano ang naging buhay ng SB19 noong 2016 hanggang 2019. Tugon ni Pablo, “During those years, diyan ko po naranasan ‘yung pinakamasayang moments ng buhay ko.
“Kasi ginagawa ko ‘yung gusto ko. Doon po nabuo ‘yung maraming memories and masasayang pangyayari po sa buhay ko,” aniya.
Ayon naman kay Justin, napakaraming unforgettable moments ng grupo noong mga panahong yun at inaming du’n din nila naramdaman na parang ayaw na nilang ituloy ang kanilang ginagawa.
Pahayag ni Justin, “Siguro po nangibabaw lang po talaga ‘yung passion namin. Nu’ng time po kasi na ‘yon, marami pa kami. 2017 po noong pumasok po ako ng training nila.”
Naibahagi ni Ken na ilang taon din silang nag-training sa ilalim ng isang Korean entertainment company, “To be exact, dito po kami nag-train sa Philippines and I was the last member to join the group.”
Aminado siya na talagang nahirapan siyang mag-adjust sa buhay niya rito sa Maynila dahil totoo namang isa siyang proud promdi na mula sa Zamboanga.
“I grew up sa place na walang signal, walang wifi, walang everything so kumbaga nu’ng pagpunta ko po rito wala po akong alam sa kung ano ‘yung cities. It was hard na hindi ako familiar sa place,” pahayag pa ni Ken.
Hanggang ngayon naman ay hindi pa rin makapaniwala si Stell sa mga nangyayari sa kanilang grupo. Kapag binabalikan niya raw ang mga pinagdaanan nila noong nagsisimula pa lang ang kanilang career ay nagiging emosyonal siya.
“Kasi noong time po talaga na nag-start kami, wala po talaga kaming ideya sa kung ano po ‘yung kakahantungan po ng ginagawa namin.
“Kasi ang unang-una po na pumasok sa isip namin noon ay kung bakit kami naroon ay para kumita ng pera at makatulong sa mga pamilya namin,” aniya.
Ayon pa kay Stell, bago maging bahagi ng SB19, kung anu-anong trabaho ang pinasukan niya para makatulong sa pamilya. Nag-service crew siya sa isang fast food chain, nag-Japan at nag-alaga roon ng mga pamangkin.
Ani Stell, “Siguro po nagawa ko siya dahil ang una pong bagay na pumapasok sa isip ko ay makatulong po sa family.”
Pagbabahagi naman ni Justin, nakasuwerte niya na naging miyembro siya ng SB19 na itinuturing na rin niyang tunay na pamilya. Palagi raw nakasuporta ang mga ito sa lahat ng kanyang pinapangarap sa buhay.
Samantala, naikuwento ni Josh ang tungkol sa kanyang ama na hindi niya nakasama nang mahabang panahon pero aniya, hindi siya nagtanim ng galit dito.
“May questions, pero hindi galit. Before, I was always questioning my family, my mom, myself kung bakit ako nandito. Kasi ‘yung father ko parang nabaliw siya throughout the process.
“So, baka kung gaano kahirap din for us, baka ganoon din kahirap for him. Hindi ko rin naman sure,” sabi ni Josh.
Tungkol naman kay SB19 Pablo, naikuwento niya ang kanyang buhay noong maging call center agent siya nang ilang buwan.
Nang makatapos ng college ay nagtrabaho siya bilang isang data analyst sa Makati. Sabi ni Pablo, talagang na-feel niya ang lungkot at frustration dahil hindi niya gusto ang kanyang ginagawa.
Hanggang sa dumating yung araw na kinausap niya ang pamilya at sinabing gusto niyang tuparin ang kanyang ultimate dream, at yan ay ang pagkanta at pagpe-perform.
Sa ngayon, bukod sa sunud-sunod nilang hit songs at soldout concerts, nakapagpatayo na rin sila ng sariling studio at umaariba na rin ang kanilang talent management na 1Z Entertainment