Osang gusto nang umiyak habang nagpapamasahe dahil kay Coco

Osang gusto nang umiyak habang nagpapamasahe dahil kay Coco

Rosanna Roces at Coco Martin

MAY kurot sa aming puso ang kuwento ni Rosanna Roces na hiniling niya sa Diyos noong 2016 na mapanood sana siya sa dalawang magkasunod na teleserye.

Pagkalipas ng walong taon ay natupad naman ang wish at dasal ng premyadong aktres kaya naman tuwang-tuwa siya.

Binati namin si Osang nang mabalita na makakasama na siya sa “FPJ’s Batang Quiapo” bilang si Boss Divina gayung umeere pa ang “Pamilya Sagrado” kung saan gumaganap siya bilang Nadia Salvacion.

Pinadalhan niya kami ng voice message, “Mga 2016-2017 merong dalawang teleseryeng magkasunod, sa dalawang teleseryeng panghapon, nandoon si Cherry Pie Picache, so, napadasal ako, ‘Lord bigay mo lang sa akin kahit isa lang ng trabaho niya, happy na ako.’

Baka Bet Mo: Osang kinontra ang bashers ni Direk Darryl Yap: Hindi siya bastos, mabait na anak at loyal na kaibigan

“Pero kung ibibigay mo (ay) dalawa, e, di, mas maganda. Bigyan mo ulit ako ng huling baraha hinding-hindi ko na ito bibitawan, hinding-hindi na ito mapupunta sa kamay ng kahit na sino,” aniya pa.


Tsinek namin ang sinasabing dalawang serye ni Cherry Pie na umeere sa iisang araw, ang “Asintado” at “Blood Sisters” noong 2018.

Tuloy ni Osang, “Ngayon pa lang niya ibinigay ‘yung dalawa, BQ at Sagrado na magkasunod makikita ang mukha ko.  Ito na ‘yun ngayon niya sinagot ang dasal ko noong araw kaya tuwang-tuwa ako.

“Alam mo ‘yung ramdam na ramdam mo ‘yung blessings niya tapos pinapadaan niya sa ibang tao, ito nga kay Coco.  Alam mo bang tinext ko lang si Coco, ‘Co, tapos na ako sa Sagrado’ pucha maghapon hindi kumikibo, (isip ko) patay wala pa akong paglalagyan na role na puwede sa akin.

Baka Bet Mo: Sharon buking kay Osang: ‘Kapag ayaw niya sa ‘yo, ayaw niya sa ‘yo! Pero pag nagustuhan ka niya sobra naman talaga!’

“So, nagpamasahe ako, nagpa-ventosa ako, maya-maya tumatawag na sina ___ (staff ni Coco), gusto ko nang umiyak sa tuwa! E, may nagmamasahe sa akin kaya hindi ko alam kung ano ang iaarte ko.

“Tuwang-tuwa ako kasi nu’ng oras na ‘yun, sinabihan akong ‘bukas na ang taping mo.’ Isipin mo ‘yun kung ano ang mararamdaman ko, di ba?” aniya.

Noon pa raw nagsabi si Coco kay Osang na isasama siya sa “Batang Quiapo” noong December, 2023 (Kapamilya show sa Araneta Coliseum).


“Sabi niya, ‘My pagkatapos na pagkatapos mo dito sa show (Sagrado) kay Sir Deo ‘yun nga kay Piolo (Pascual), kukunin kita.’

“Kaya nu’ng tumawag sa akin ‘yung tao niya, (isip ko), may isang salita talaga si Coco, totoong tao talaga ito hindi showbiz. Pag may binitiwan siyang salita, asahan mo parang batas ‘yun na nasusunod,” masayang tinig ng aktres sa pamamagitan ng ipinadalang audio.

Sinabi namin na kami rin ay masaya sa nangyayari sa karera niya ngayon dahil muli siyang aktibo at nangako naman talaga na pagbubutihin niya at isa pang ipinagpapasalamat niya ay magaling pa rin siyang magmemorya ng mga lines niya.

Kaya raw nang magkaroon ng taping ang “FPJ’s Batang Quiapo” sa isang isla ay niyakap daw ni Osang si Coco mula sa likod bilang pasasalamat.

“Sabi ko, ‘Co salamat sa trabaho!’ Sabi naman niya, ‘ako nga magpapasalamat sa ‘yo ‘My at tinanggap mo role.’ Alam ko ‘yung sagot niya na totoo talaga,” sabi pa ni Osang.

Anyway, nang mag-post ang aktres sa kanyang Facebook account noong Agosto 14 ng, “Banana Q, Barbi Q at BQ” ay nag-message na kami kung ka-join na siya sa “Batang Quiapo.”

Pero hindi kami sinagot at ilang araw ang nakalipas ay may post na si Osang na, “Thank you sa blessings” at sinundan na ng teaser ng “BQ” na kasama siya.

Pinanood muna namin ang ilang episodes ng “Batang Quiapo” kung saan lumitaw na ang karakter ni Boss Divina na binentahan ni Tanggol ng malaking diamante o Star of Venus na kinupit ng huli kina Don Facundo Caballero played by Jaime Fabregas na pambayad sana kay Ramon/Alberto Montenegro na ginagampanan ni Christopher de Leon.

Ang lakas ng dating ni Osang sa “BQ,” mahalaga ang karakter na ginagampanan niya dahil siya ang dahilan kung bakit mababago ang buhay ni Tanggol kasama ang tropang sina Enteng (Jojit Lorenzo), Oweng (Renz Joshua ‘ Baby Giant’ Bana), Dolfo (Ryan Martin), Bulldog (Sugar Ray Estroso), at Mark (Big Mak) Andaya bilang si Tanos na base rin sa mga ipinakitang teaser ay babaguhin na rin ng una ang pananamit nila.

At ang cliffhanger episode kagabi ay ipinakilala na ni Tanggol kay Boss Divina ang mga kaibigan niyang sina Sen. Lito Lapid (Supremo), Lorna Tolentino (Amanda), Mark Lapid ( Ben), Benzon Dalina (Turko) at iba pa.

Read more...