UMABOT sa 22 saksak ang natamo ng isang 10-anyos na lalaki mula sa nag-amok na dalaga sa isang barangay sa Taytay, Rizal kamakailan.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Taytay Municipal Police Station, naganap ang pananaksak bandang alas-12 ng tanghali sa Adhika St., Brgy. Dolores, Taytay.
Naglalakad daw ang bata na kinilala lamang sa alyas na Archie, sa nasabing lugar at pauwi na galing sa kanilang paaralan.
Baka Bet Mo: Jeric Raval umabot sa 18 ang anak mula sa 6 na babae; pangarap maging rapper noon tulad ni Francis M
Base sa nakuhang CCTV camera sa lugar, makikita ang suspek na si alyas Michaela, 18, na hindi mapakali sa kinatatayuan at parang may hinihintay.
At nang makita ang biktima, agad daw itong nilapitan ng babae at inundayan ng saksak gamit ang isang kutsilyo hanggang sa tumumba ang bata sa sementadong kalsada.
Habang nakahiga ang bata ay hindi pa rin siya tinigilan ng suspek at patuloy na pinagsasaksak. Ilang residente sa lugar ang sumaklolo sa biktima at inawat ang suspek.
Tumawag agad ng pulis at barangay tanod ang mga saksi at ipinaaresto ang suspek.
Baka Bet Mo: Catriona Gray tinawag na ‘fake news’ ang kumakalat na pelikulang pagbibidahan raw niya, nilinaw na hindi pa kasal
Dumating naman sa pinangyarihan ng krimen ang ina ng bata at siya na mismo ang nagdala sa anak sa ospital. Ayon sa report ng pulisya, himalang nakaligtas ang bata sa kabila ng 22 saksak na kanyang tinamo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kasalukuyang naka-confine sa Rizal Provincial Hospital System ang bata.
Base sa imbestigasyon, parang wala raw sa sarili ang suspek habang kinakausap ng mga pulis. Hindi kasi consistent ang mga naging pahayag nito hinggil sa ginawa niyang krimen.
Nakakulong na ngayon ang suspek at nahaharap sa kasong frustrated murder na may kaugnayan sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act sa piskalya.