NANG dahil sa naranasang shooting incident sa Amerika kung saan inakala niyang katapusan na niya, nagdesisyon si Mark Bautista na mag-“come out” sa publiko.
Itinuturing ng Kapuso singer na himala ang nangyari sa kanya at sa ilang kaibigan noong muntik na silang mamatay matapos masangkot sa shooting incident noong 2017 sa Seattle, Washington.
Second life na nga raw niya ito kung tutuusin, ayon kay Mark base sa panayam sa kanya ni Luis Manzano na napapanood sa YouTube channel nito.
Inalala ng Kapuso star mala-bangungot na karanasan kasama ang kanyang mga kaibigan sa musical theater play sa US.
“Nasa likod kami, ‘yung nag-Uber kami, and then may kotse lang sa harap namin na biglang nag-stop. Then may lumabas na lalaki sa sun roof nila. May hawak na dalawang baril talaga,” pagbabalik-tanaw ni Mark.
“So talagang gumanu’n, (lumingon) siya sa likod, paulan talaga siya ng (bala) baril,” kuwento pa ng singer at aktor.
Mas tumindi pa raw ang kanilang takot nang makitang nabutas ang mga pintuan ng kanilang sasakyan at nabasag din ang mga salamin. Feeling ni Mark ay katapusan na nila at hindi na siya makakabalik ng Pilipinas.
Baka Bet Mo: Kier Legaspi 7 taon hindi gumawa ng pelikula; binigyan uli ng pagkakataon ng Viva
“So ako talaga noon, akala ko talaga last na iyon na hindi na ako makakauwi ng Pilipinas. Ganoon na ‘yung feeling ko,” pagbabahagi ni Mark.
Kasunod nito, maraming realizations sa buhay si Mark kabilang na ang desisyong magpakatotoo na sa sarili at aminin na sa buong mubdo ang kanyang pagiging bisexual.
“Right after (umamin sa sexual preference), it was hard. Right after, I was ready na parang, ‘Okay. Whatever happens, I’m okay. It’s out there.
“Iyon naman ang gusto ko na parang wala nang tanong-tanong, wala nang ano-ano, I’ll be happy and free, and I’ll just live my life,” lahad pa niya.
Mula rin noon, nag-promise si Mark sa sarili na hinding-hindi na siya mabubuhay sa pagtatago o pagkukunwari. Mas gusto na raw niyang ibandera sa publiko kung sino talaga siya.
Ngayong taon ay ipinagdiriwang ni Mark ang kanyang 20th anniversary sa entertainment industry.