IBINIGAY na sa National Bureau of Investigations (NBI) ang mga kopya ng CCTV footage kaugnay sa kaso ng baguhang aktor na si Sandro Muhlach.
Ayon sa report ng TV Patrol kagabi, August 8, ito ‘yung mga kuha bago at pagkatapos mangyari ang umano’y sexual abuse ng dalawang GMA independent contractors kay Sandro.
Sinabi rin sa ulat na tumangging magbigay ng pahayag ang mga naturang hotel, pero nakipag-ugnayan na sila sa opisina ng NBI Public Corruption Division.
Ngayong araw, August 9, magsisimula ang pagdinig sa isinampang reklamo ni Sandro sa NBI laban kina Jojo Nones at Richard Cruz.
At nauna nang kinumpirma ng legal counsel ng dalawa na si Atty. Maggie Abraham-Garduque na pupuntahan nila ang nabanggit na hearing.
Baka Bet Mo: 2 GMA contractor na inireklamo ni Sandro ‘di dadalo sa hearing ni Robin
“I just don’t know why it was the public corruption division of the NBI handling the investigation when none of the respondents are public officers/officials,” sey ni Garduque.
Aniya pa, “But at any rate, we will attend the hearing on that day to get the copy of the complaint and will submit our answer accordingly.”
Kung matatandaan noong August 7, humarap sa pagdinig ng Senate committee on public information and mass media ang ama ni Sandro na si Niño Muhlach, habang ang dalawang beki naman ay hindi sumipot.
Napaiyak at naging emosyonal pa nga ang batikang aktor dahil hindi niya akalaing magagawa ni Dones kay Sandro ang panghahalay umano, lalo’t magkasama sila sa GMA sitcom na “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” kung saan head writer ang huli.
Ang mas nakakagalit pa raw ay parang binabaligtad pa nina Nones at Cruz ang kanyang anak na matinding trauma umano ang nararanasan matapos ang insidente.
“Tapos ngayon binabaligtad pa ang sitwasyon? ‘Di ko sinasabing GMA. Binabaligtad ni Jojo at ni Richard ang nangyari sa mga comment nila sa mga press release nila,” sey ni Niño.
Emosyonal pa niyang sabi, “Nakakasama ng loob, kung sino may sala, ‘yan pa ang may ganang bumaligtad sa istorya. Kahit sinong ama o magulang ganoon din mararamdaman para kay Sandro.”
Samantala, hindi dumalo ang dalawang inireklamo sa Senate hearing ‘nung nakaraan dahil ayon sa kanilang legal counsel, “[It] might be questioned during the senate hearing which may be tantamount to cross-examination during the trial of the case.”