HINDI nakalusot ang “BLACKPINK World Tour” dahil nakatanggap ng rated PG.
Ang ibang mga pelikula na ipapalabas ngayong linggo ay binigyan ng R-13 at R-16 ng MTRCB, handa na ba ang Pinoy fans at BLINK community?
Dahil maaari nang mapanood sa pinilakang-tabing ang ginawang pandaigdigang konsyerto ng sikat na Korean pop girl group na BLACKPINK.
Ito’y matapos mabigyan ng rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang) rating ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa pagtataya nina Board Member Antonio Reyes, Racquel Maria Cruz, at Lillian Ng Gui ang sine-dokumentaryo na binuo mula sa mga konsyertong ginawa ng grupo.
Sa ilalim ng rated PG, maaaring makapanood ang mga edad labingtatlo (13) at pababa, ngunit kinakailangan na may kasamang magulang o nakatatanda na siyang gagabay sa kanila sa panunuod.
Baka Bet Mo: Blackpink Lisa, RCA Records ng Sony Music sanib-pwersa para sa solo album
Maging ang pelikulang “Bluelock: Episode Nagi” mula sa produksyon ng Pioneer Films ay nakakuha ng kaparehong marka, sa desisyon nina Board Members Gui, Reyes, at Robert “Bobby” Andrews, Jr. Bukod dito, binigyan naman ng R-13 rating ang pelikulang “Trap” mula sa Warner Bros. (F.E.) Inc. na pinagbibidahan ni Josh Harnett.
Sa desisyon nina JoAnn Bañaga, Angel Jamias, at Neal Del Rosario, sinabi nilang may ilang aspeto ang pelikula na hindi angkop sa mga edad labingdalawa (12) at pababa.
Maging ang lokal na produksyon mula sa VIVA Communications, Inc. kung saan bida sina Sue Ramirez, Barbie Imperial, at Phi Palmos ay binigyan din ng kaparehong marka na R-13 rating.
Sa desisyon ito nina Board Members Richard John Reynoso, Jan Marini Alano, at Katrina Angela Ebarle, kung saan ipinaliwanag nila na ang pelikula ay nagpapakita ng paglalarawan sa droga o paggamit nito at iba pa na hindi angkop na eksena para sa mga edad 12 pababa.
Habang ang pelikulang “Consumed” naman na gawa rin ng Pioneer Films, ay binigyan ng R-16 rating.
Ang R-16 ay para lamang sa mga edad 16 pataas. Sa desisyon ito nina BM Reynoso, Cruz, at Wilma Galvante na sinabing ang pelikula ay mayroong katatakutan at karahasan na hindi angkop sa mga batang edad labinglima (15) at pababa.
Pinapaalalahanan ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio ang mga magulang na kinakailangan nilang gabayan ang kanilang mga anak na pasok sa age restriction ng isang pelikula, at maging mabuting halimbawa sa mga batang Pilipino sa pamamagitan ng pagiging responsableng manonood.