INAMIN ng Vatican na ikinalulungkot nila ang ilang mga eksena na ibinandera sa opening ceremony ng Paris Olympics 2024.
Ang tinutukoy riyan ay ‘yung nag-viral na “The Last Supper” parody na tampok ang drag queens na ginaya umano nila ang isang biblical scene ni Jesus Christ kasama ang 12 apostol na nagsasalo-salo sa huling pagkain bago ang pagpapako sa krus.
Nauna nang nilinaw ng organizers na ang itinampok nila sa performance ay ang pagan feast na pinamumunuan ng Greek god of wine na si Dionysus, pero hindi pa rin nahihinto ang pagpuna ng ilan.
Dahil diyan, naglabas na rin ng official statement ang Vatican at sinabing: “The Holy See was saddened by certain scenes at the opening ceremony of the Paris Olympic Games and can only join the voices that have been raised in recent days to deplore the offense given to many Christians and believers of other religions.”
“In a prestigious event where the whole world comes together around common values, there should not be allusions ridiculing the religious beliefs of many people,” wika pa.
Baka Bet Mo: Eruption naloka sa ‘Last Supper’ parody ng Paris Olympics, Rica nagtaka
Ipinaalala rin sa pahayag na kahit may “freedom of expression” ay kailangang magkaroon pa rin ng limitasyon bilang pagrespeto sa iba.
Kamakailan lang, sinabi ni Turkey President Recep Tayyip Erdogan, na nagmula sa isang Islamic-rooted party, na tatawagan niya si Pope Francis upang ipahayag ang kanyang pagkondena sa nasabing opening ceremony.
Ayon sa kanya, ito ay nagpapakita ng imoralidad laban sa lahat ng mga Kristiyano.
Samantala, nauna nang humingi ng sorry ang organising committee ng 2024 Paris Olympics sa lahat ng na-offend ng nasabing performance.
“Clearly there was never an intention to show disrespect to any religious group. [The opening ceremony] tried to celebrate community tolerance,” wika ng Paris 2024 spokesperson na si Anne Descamps sa isang press conference.
Aniya pa, “We believe this ambition was achieved. If people have taken any offense we are really sorry.”