TIYAK na duduguin sa hirap si Nonito Donaire Jr. sa kanyang napipintong laban kay Vic Darchinyan sa Linggo ng umaga (Philippine time) sa Corpus Christi, Texas.
Ito ay dahil kinukunsidera ni Darchinyan na isang mortal na kalaban si Donaire at gigil na gigil na itong makasagupa ang California-based Filipino boxer.
Gayunpaman, pinaghahandaan na ng kampo ng Donaire ang non-title featherweight fight na ito. Ang 37-anyos na American-Armenian ay may kartadang 39 panalo, 28 knockout wins, limang talo at isang draw.
Isa sa kabiguan ni Darchinyan ay kontra Donaire anim na taon na ang nakalilipas sa Bridgeport, Connecticut. Ang panalong iyon ni Donaire ang nagbigay sa kanya ng IBO and IBF flyweight crowns at nag-angat sa kanya bilang isa sa mga superstars ng boxing.
Kaya naman nais manalo ni Darchinyan sa Linggo para makabawi kay Donaire. “He really hates Donaire. We got to be very well prepared and very careful for a dangerous fight,” sabi ng trainer ni Donaire na si Robert Garcia sa website na hustleboss.com.
“Darchinyan could be very dangerous because he has nothing to lose. I’m sure he trained like nothing before because he wants this rematch so bad. Now that he’s got it, he’s going to do anything possible to win the fight.”
Si Darchinyan ay galing sa fourth-round TKO win laban kay Javier Gallo nitong Mayo sa Laredo, Texas. Si Donaire naman ay may barahang 31 panalo, 20 KOs at dalawang talo ngunit galing siya sa masaklap na unanimous decision loss kontra Guillermo Rigondeaux noong Abril sa New York kung saan naagaw sa kanya ang WBO super bantamweight at WBA super world super bantamweight titles.
( Photo credit to INS )