SHOCKING at nakakaloka ang ibinandera ng isang Tiktok user tungkol sa isang delivery rider na nadatnang resting in peace na ang online shopper.
Mapapanood sa viral video ang pagdating ng rider para ma-deliver sana ang parcel, ngunit sa hindi inaasahan ay nakaburol na pala ang nag-order!
Na-interview ng BANDERA ang uploader na si John Carlo Dimaranan at sinabi niya na ang nakaburol ay ang kanyang Tita Connie, kapatid ng kanyang ama.
Kwento niya, mahilig daw talagang umorder online ang kanilang pamilya, lalo na ang kanyang tita.
Pero isang araw ay hindi na nagising mula sa pagkakatulog ang kanyang 44-year-old na tiyahin.
Baka Bet Mo: Delivery Rider ibinandera ang ‘Cum Laude’ niyang anak sa trabaho viral na: ‘Nakaka-proud maging magulang!’
Naisugod pa nga raw nila ito sa ospital, pero hindi na ito nagawang i-revive ng doktor.
Ayon kay John Carlo, “Acute Myocardial Infraction” o heart attack ang ikinamatay ni Tita Connie base sa inilabas na death certificate.
“She is a loving tita. Gusto niya every week may ganap, magsasama-sama ang family, gano’n. Either we order online, potluck or she will cook for us,” paglalarawan ng uploader sa kanyang Tita Connie.
At dahil likas din sa kanilang pamilya ang pagiging palabiro at ayaw din ng kanyang Tita ng malungkot, kaya nila naisipang biruin na lang din ang rider.
“Nalagpasan niya kasi ‘yung tarpaulin o ‘di niya napansin. Nu’ng hinanap niya si Tita Connie at tinuro ng Mom ko ang kabaong nagulat siya,” chika niya at nabanggit pa na close sa kanilang pamilya ang rider.
Napagdesisyunan daw nila itong i-upload sa social media hindi lang dahil tawang-tawa sila sa nangyari, kundi para na rin makapagbahagi ng good vibes.
Alam naman din daw nila na ito rin ang gusto ng yumao nilang tita –ang magbigay-saya sa marami.
Aminado rin si John Carlo na hindi nila expected na magva-viral ang video dahil matapos niya itong i-post ay bumalik na siya sa pag-aasikaso sa bisita ng kaniyang Tita Connie.
Sa huli, may paalala si John Carlo sa madlang pipol: “I also just want to share sa mga tao or sa public na life is short and you will never know hanggang kailan ka na lang so always value memories, time with your loved ones.”
“A simple I love you and I miss you is a huge deal,” sambit pa niya.
Nilinaw rin niya na iba-iba ang paraan ng pagdadalamhati ng bawat tao, pero ang lahat daw ng nararamdaman ng bawat isa ay valid ano pa man ito.
Halo-halo naman ang naging emosyon ng netizens, lalo na ang online shoppers na kung saan ay may mga nalungkot, habang ang iba naman ay hindi alam kung sila ba ay dapat matawa.
Narito ang ilan sa mga nabasa namin:
“Ano po cause of death niya? May halong tawa, tapos may halong iyak.”
“Ta’s bigla niyang ni-rate yung product.”
“Sana ‘di pa ‘ko mamatay, madami pa kong paparating na parcel.”
“Nauna pa siya sa parcel niya.”
“Hala, may huling parcel pa bago mamatay.”
Kayo, mga ka-BANDERA, kung huling araw niyo na sa mundo, anong bagay ang iche-checkout ninyo?