Cainta, Rizal nagdeklara ng state of calamity dahil sa matinding baha

Cainta, Rizal nagdeklara ng state of calamity dahil sa matinding baha

PHOTO: Facebook/Barangay Sto. Domingo, Cainta, Rizal

NASA state of calamity na rin ang Cainta, Rizal kasunod ng malawakang pagbaha na dulot ng monsoon rains at Typhoon Carina.

Ang balita na ito ay inanunsyo mismo ni Mayor Elenita Nieto kagabi, July 24, sa pamamagitan ng kanyang personal Facebook page.

Sinabi ni Nieto na ginawa niya ang desisyon dahil marami ang nakaranas ng matinding pagbaha at malaking pinsala sa ilang barangay sa Cainta.

“The Municipality of Cainta is now declared to be under a State of Calamity,” anunsyo ng alkalde.

Paliwanag niya, “The southwest monsoon and Typhoon Carina’s continuous onslaught of rain since yesterday has brought severe flooding, causing huge damage to property and disruption of livelihood of our residents in all seven barangays.”

Baka Bet Mo: Ilang lugar sa MM hindi na madaanan dahil sa malawakang pagbaha

“We will continue to provide relief and to conduct rescue operations, with the goal of restoring our town,” aniya pa.

Isa ang Cainta sa mga lugar sa Rizal na matinding tinamaan ng baha dahil sa habagat na pinalakas ng bagyong Carina.

Ang Metro Manila ay nasa state of calamity na rin simula kahapon, July 25, dahil rin sa mga pagbaha.

Sa ilalim ng “state of calamity,” binibigyan ng mas malaking kapangyarihan ang mga ahensya ng gobyerno para matugunan ang mga nasalanta ng bagyo at Habagat.

Ilan rin sa mga epekto ng nasabing status ay ang pagpayag sa mga lokal na pamahalaan na gastusin ang kanilang “quick response funds,” pati na rin ang pagpataw ng price cap para mapigilan ang pagsipa ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

As of this writing, nakalabas na ng bansa ang Typhoon Carina at binabadya naman nito ang bahagi ng China.

Ngunit ayon sa report ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy ang epekto ng Southwest Monsoon o Habagat sa ating bansa.

Ibig sabihin niyan, asahan pa rin ang mga pag-ulan sa maraming lugar, kaya pinaaalalahanan ang publiko na posible pa rin ang mga pagbaha sa ilang lugar at pagguho ng lupa.

Read more...