UMUWING nakangiti ang “Team Mallari” sa pangunguna ni Bryan Diamante sa 40th PMPC Star Awards for Movies dahil nasungkit nila ang pitong tropeo para sa kanilang pelikula.
Ang pitong award na napanalunan ng “Mallari” na pinagbibidahan ni Piolo Pascual ay ang mga sumusunod.
*Best Movie Sound Engineer -Immanuel Verona & Fatima Nerikka Salim
*Best Theme Song – Pag ibig na Sumpa, sinulat ng singer/songwriter na si Quest at kinanta ni JK Labajo.
Baka Bet Mo: Piolo best actor sa GMMSF para sa Mallari; Biringan ilalaban sa MMFF 2024
*Movie Editor of the Year – Noah Tonga
*Best Supporting Actor – JC Santos
*Movie Ensemble Acting of the Year – The cast of Mallari
*Best Director – Derick Cabrido
*Star Awards Movie of the Year – Mallari
Hindi nakarating sina Quest at Direk Derick kaya ang ang Mentorque producer ang tumanggap ng kanilang mga tropeo.
Konting trivia ni Bryan nang mag-request siya kay Quest ng theme song para sa “Mallari” ay ilang araw lang ito natapos at pati paghahanap ng kakanta ay hindi rin sila nahirapan dahil kaagad um-oo si JK Labajo.
Nang tanggapin naman ang best director award ay nagulat daw si Derick Cabrido nu’ng tinanggap ni Bryan ang alok niyang puhunanan ang “Mallari” na ang tanong daw ng una ay, “Seryoso ka? Tinanggap mo?”
“Ganu’n kasi ako, naniniwala ako sa gut feeling ko at hindi naman nagkamali, heto maraming nagkagusto,” sambit ng Mentorque President at CEO.
Baka Bet Mo: Talent fee ni Piolo hindi tinawaran ng producer ng ‘Mallari’ na si Bryan Dy: ‘Nahihiya pa nga ako dahil…’
At nang tanggapin na ni Bryan ang Star Awards Movie of the Year ay tinawag niya ang lahat ng staff at artists na nasa Henry Lee Irwin Theater na umakyat sa entablado para makilala ng lahat at magpasalamat na rin.
Bahagi ng speech ni Bryan, “Lagi pong sinasabi sa akin hard work smart work and gift of grace, maraming-maraming salamat po Panginoon sa award na ito, to PMPC, to our friends and family , ‘Nay Omar (Sortijas) maraming-maraming salamat, direk Derick Cabrido maraming salamat, Enrico Santos maraming salamat.
“Sa lahat ng cast and crew, Mr. Piolo Pascual alam ko sobrang busy mo nagtatrabaho ngayon, maraming, maraming salamat sa pag-accept ng role bilang Juan Severino Mallari at pinakamahalaga po sa lahat sa aking mga boss lalo na po sa nag-iisang Star for All Season, Ms. Vilma Santos-Recto sa paggabay, pagkalinga at suporta sa patuloy na pagmamahal,” aniya pa.
At muling binalikan ang unang sinabi ni Bryan nang tanggapin niya ang Best Picture sa nakaraang 2024 FAMAS.
“Itong trophy na ‘to ay kagaya ng FAMAS na nakaraan ay nakita ko lamang sa silid ng mga tropeo ng nag-iisang Vilma Santos-Recto hindi ko po akalain ngayon na may hahawakan din kaming PMPC Star Awards trophy. Salamat sa lahat ng naniwala at salamat sa lahat ng nagtiwala sa pelikulang Mallari.”
Inamin din ni Bryan na maraming nanloko sa kanya pagpasok niya ng movie industry.
“Hindi naging madali ang paglalakbay papunta rito lalo na sa baguhang katulad ko, maraming mapanlinlang, maraming mapag-abuso (tawanan ang lahat ng nasa audience).
“Marami rin po akong natutunan at marami pa akong gustong matutunan pero ang gabing ito po ay maraming salamat sa mga taong nagpupuyat, nagpapagod at higit sa lahat na nagbibigay ng kanilang buong puso para maisakatuparan ang kanilang mga pelikula, palakpakan po natin sila.
“Lahat ng parangal na tinatamasa namin ngayon ay icing on the cake lamang para sa suporta at ipinamalas lalo ng manonood at pagtangkilik ng aming pelikula Mallari, today, I think we can be more proud that Mallari is one of the most awarded horror film if not the most awarded horror film in Philippine Cinema.
“I hope masuportahan po ninyo ang mga susunod na exciting na proyekto ng Mentorque Productions, maraming-maraming salamat sa PMPC, isa po itong inspirasyon para mas magpatuloy pa po kami sa paglikha ng magagandang pelikula. Mabuhay po ang pelikulang Pilipino, mabuhay po ang bansang Pilipinas, maraming-maraming salamat po,” mensahe pa ng producer.
Abangan ang anunsyo ng Mentorque Productions sa mga susunod na araw.