FINALLY, hinarap at sinagot na ni Jillian Ward ang matagal nang tsismis tungkol sa pagkakaroon niya ng luxury car at iba pang mga bonggang properties.
May mga kumalat kasing chika noon na may nagbayad ng pag-aari niyang mamahaling sasakyan pati na sa engrandeng 18th birthday party niya noong February, 2023.
Sa panayam ng King of Talk na si Boy Abunda para sa “My Mother, My Story” na ipinalabas sa GMA last Sunday, isa sa mga natanong kay Jillian ay ang tungkol sa malilisyosong chika tungkol sa kanyang finances.
“First time kong mag-open up about it. First time rin na interview about it,” ang simulang pahayag ng lead star sa hit Kapuso afternoon series na “Abot-Kamay na Pangarap.”
Ipinagdiinan ni Jillian na walang bahid ng katotohan ang mga tsismis na meron siyang benefactor kung saan nanggaling umano ang pag-aari niyang luxury car.
“I just hope na nakikita nila na two years old pa lang ako, naka-diaper pa lang ako, nagwo-work na ako.
“I think naman somehow na lahat po na meron ako is deserve ko through my hard work. I just hope na huwag silang masyadong maniwala sa fake news,” paglilinaw ng dalaga.
Aniya pa, “Ganyan na po sila ever since. Parang underage pa lang ako, ang dami nang misconceptions about me.
“I think medyo unfair po siya kasi sana nakikita nila na naka-diaper pa lang ako, nagwo-work na ako (sa TV commercial). Hindi pa po ako nakapagbabasa, nagwo-work na ako,” ang depensa pa ni Jillian na nagsimula sa showbiz noong 5-years old pa lamang siya.
Tungkol naman sa napakabonggang debut ni Jillian last year na naganap sa isang sosyaling hotel, may mga nakihati raw sa kanya sa mga gastusin.
“Napag-ipunan ko po lahat nang meron ako ngayon. Like yung sa debut, even GMA 7, nag-share sa debut party ko. Yung mga endorsement ko po, nag-share sila.
“So, kumbaga lahat ng meron ako, galing po yan sa hard work ko talaga. Sa malinis na paraan. So, I find it a bit unfair. Meron silang mga sinasabi na walang basis talaga.
“Parang ang cruel niya po kasi underage ako tapos meron silang mga sinasabi na mga scandalous na mga bagay na wala po talagang basis. Sobrang fake news. Ilang taon ako noon? Sixteen,” sabi ng young actress.
“Yung cars ko, galing sa mga endorsement ko, sa mga taping ko. Ilang years na akong nagte-taping, 15 years na next year. Sa 20th birthday ko.
“Medyo nalungkot ako dahil hindi nila nakikita yung hardwork ko,” aniya pa.
“Ang dami rin pong naniniwala (sa pekeng balita) pero hindi na lang po ako nagsalita about it. Sabi nga po, kung hindi totoo, wala akong dapat patunayan. Wala akong kailangang sabihin,” dagdag pang sey ni Jillian.
In fairness, napakarami niyang naging project noong bata pa siya, kabilang na riyan ang mga teleseryeng “The Last Prince” (2010), “Trudis Liit” (2010), “Jillian: Namamasko Po” (2010-2011), at “Captain Barbell” (2011).
Bumida rin siya sa “Daldalita” (2011-2012), “Biritera” (2012), “Luna Blanca” (2012), “Home Sweet Home” (2013), “One Day Isang Araw” (2013), “My BFF” (2014), “Pari ‘Koy” (2015), “Poor Señorita” (2016), “Sa Piling Ni Nanay” (2016-2017), “Daig Kayo ng Lola Ko” (2017-2019), at “Super Ma’am” (2017-2018).
Nakagawa rin ng ilang projects si Jillian nang maging teenager na siya, tulad ng “My Special Tatay” (2018-2019), “Prima Donnas” (2019-2022), at ang top-rating series niya ngayon na “Abot-Kamay Na Pangarap.”