WALANG pasok ang lahat ng antas sa pribadong paaralan ng Quezon City ngayong Lunes, July 22.
Ito ay dahil sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos na gaganapin sa Batasang Pambansa Complex.
“Layon nitong hikayatin ang lahat na makinig sa [SONA] ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at maiwasang maipit ang publiko sa trapiko,” ayon sa city government.
Kanselado rin ang “Brigada Eskwela” sa mga pampublikong paaralan.
Bukod diyan magkakaroon din ng liquor ban sa QC sa araw rin ng Lunes upang mapanatili ang peace and order sa inaabangang ganap ng president.
Baka Bet Mo: BINI ayaw tantanan ng netizen, nanawagan kay Bongbong Marcos?
“Ipapatupad ang Liquor Ban sa Quezon City sa July 22, 2024 simula 12:01 AM hanggang 6:00PM,” saad ng LGU.
Paliwanag nila, “Ito ay upang masiguro ang kapayapaan at seguridad sa lungsod sa darating na State of the Nation Address (Sona) ni President Ferdinand Marcos Jr.”
Magugunitang nauna nang ipinatupad ng Philippine National Police (PNP) ang gun ban sa buong Metro Manila.
Nagsimula ‘yan noong Sabado, July 20, at matatapos hanggang sa Martes, July 23.
Samantala, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magkakaroon pa rin ng number coding scheme kahit may SONA.
“May mga nagtatanong kung suspended ba ang number coding scheme, hindi po,” sambit ni MMDA Acting Chairperson Romando Artes sa isang ambush interview.
“Tuloy po ang number coding scheme dahil kung isususpend po namin ‘yan ay dadami po ang mga sasakyan sa lansangan na lalong magpapasikip ng traffic,” paliwanag ni Artes.
Aniya pa, “Any additional vehicles po ay makakadagdag sa congestion.”
Base sa traffic plan para sa 2024 SONA ng ahensya, ang ilang parte ng Commonwealth Avenue, IBP Road ay pansamantalang hindi madadaanan dahil ito ay isasara.
Pinaalalahanan din ni Artes ang publiko na kung maaari at kung wala namang emergency na pupuntahan ay manatili nalang sa mga tahanan, lalo na ‘yung mga nasa area ng Batasa, QC.