KASALUKUYAN nang pinapahanap ng lokal na pamahalaan ng San Juan City ang trending na si “Boy Dila” o si Lexter Castro sa totoong buhay matapos mag-viral ang video kung saan makikita ang tila mapang-asar niyang pamamasa sa motorcycle rider gamit ang water gun sa nagdaang Wattah Wattah Festival.
Tinawag itong “Boy Dila” dahil makikita sa video na in-upload ni Gian Russel Bangcaray na nakalabas pa ang dila nito habang nangbabasa na talagang kinainisan ng netizens.
Matapos mag-viral ay naglabas ng pahayag si Lexter kung saan sinabi niyang nagpaalam raw siya sa rider na babasain niya ito.
Baka Bet Mo: Netizen nanggalaiti sa mga nambasa sa Wattah Wattah Festival, gadgets nasira
Hindi pumayag ang rider na magpabasa dahil may meeting itong pupuntahan ngunit tinuloy pa rin ni Lexter ang pagbaril ng water gun habang nakadila.
“Unang-una hindi ko sinaktan si Manong, binasa ko lang siya, nagpaalam ako sa kaniya, sabi ko ‘Babasain kita’ sabi niya ‘Hindi puwede kasi may meeting siya’ pero binasa ko pa rin siya kasi fiesta eh,” saad ni Lexter sa kanyang naganap na Facebook live.
Dagdag pa niya, “Wag kayong dadaan ng San Juan kapag June 24, alam naman ng taumbayan ‘yan.”
Labis nga ang inis na nararamdaman ng mga netizens laban kay Lexter at sinabi pang ipapataon ito sa West Philippine Sea.
Marami rin ang nang-trip sa kanya at kinalat ang kanyang number at address. Marami naman ang gumanti raw at nag-order ng kung anu-ano para sa kanya bilang ganti.
Mayroong nagpadala kay Lexter tulad ng mga pagkain, mga gamit sa bahay, at mayroon ting nagpadala ng semento, yero at bakal.
Sa naging panayam ng GMA News kay San Juan City Mayor Francis Zamora, sinabi nitong gusto niyang makausap at mabigyan ng leksyon si “Boy Dila”.
“Siya ngayon ang nagiging mukha ng Wattah Wattah Festival at nakakalungkot at nakakagalit.
“Papatawag ko siya at kakausapin ko siya personally. Sisiguruhin ko na matuto ng leksyon, yung masakit na leksyon na maalala niya habambuhay niya para hindi na niya ulitin ulit,” mensahe ni Mayor Zamora kay Lexter.