IBINUKING ng viral depositor na si Gleen Cañete na ang sarili niyang pamilya ang nag-withdraw ng mahigit P300,000 sa kanyang bank account.
Naging malaking isyu ang ginawang video ni Gleen kung saan inireklamo niya ang pagkawala ng P345,000 sa kanyang bank account sa BDO na in-upload niya noong June 21, 2024.
Ilang araw ang lumipas, nag-sorry nga si Gleen sa naturang banko sa pamamagitan ng isang Facebook post kung saan ipinaliwanag niya ang tunay na nangyari.
Sa official statement ng BDO noong June 24, sinabi nitong “valid” ang ginawang withdrawals sa account ni Gleen. Paglilinaw ng depositor, ang anak niya ang gumawa ng online account.
Baka Bet Mo: BSP nagbabala sa modus na ‘sangla-ATM’, mga mga cardholder posibleng maloko sa ‘withdrawal’
May titulong “PUBLIC APOLOGY TO BDO Unibank REGARDING MY LIVE VEDEO ABOUT MY SON’S BDO ACCOUNT,”
“Magandang araw po sa inyong lahat, ako po si Mr. Gleen Cañete lilinawin ko lang po ang live video kong nag viral about sa bank account ng anak ko.
“Manghingi po ako ng paumanhin sa Mismong banko BDO UNIBANK at gusto ko din po linawin na wala po silang kinalaman sa perang nawala sa account ng anak ko,” simulang paglilinaw ng depositor.
Ayon pa kay Gleen, walang nag-pressure sa kanya na gumawa ng public apology hinggil sa nangyari.
“Hindi po ako binayaran ng BDO para manahimik at i delete ang aking live video. At wala pong nag utos sa akin na mag apologize, kusang loob ko po itong ginawa dahil na realize ko na hindi tama na masyado akong nagpadala sa bugso ng damdamin at lumabas sa social media.
“Noong malaman ko na mismo ang Pamily ko ang nag withdraw ng pera, agad agad Kung binura ang live video para na rin sa kapakanan ng pamilya ko at sa BDO Unibank, pasensya na po kayo at nagdulot ito ng pangamba sa inyong lahat ang nasabing video kasi hindi ko po napigilang ilahad sa social media ang sakit na naramdaman ko bilang isang tao.
“Sana maintindihan nyo rin ako at akoy inyong mapatawad at maibalik ang tiwala nyo sa akin bilang isang ama na nagsikap para sa kanyang anak,” dagdag niya.
Kasunod nito, kinumpirma nga niya na ang pamilya niya ang may kinalaman sa pagkawala ng pera niya sa kanyang bank account.
“Dahil pamilya ko ang na involved sa incidente pinili kong manahimik ng ilang araw para makapag isip ng Tama.
“May tiwala po ako sa nasabing banko BDO Unibank at katunayan account holder po nila ako ng mahabang panahon.
“Maraming salamat sa inyong lahat. Sana mawala na ang agam agam nyo tungkol ditu.
“SINCERELY YOURS,
“Mr. Gleen Cañete.”