Zubiri nanawagan para sa agarang modernisasyon ng AFP, PCG

Zubiri nanawagan para sa agarang modernisasyon ng AFP, PCG

NAGING marahas ang sagupaan noong June 17 sa pagitan ng Chinese Coast Guard at mg mga tropa ng Philippine Navy malapit sa Ayungin Shoal.

Dahil dito, binigyang-diin ni former Senate President Juan Miguel Zubiri ang kritikal na pangangailangan na imodernisa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine Coast Guard (PCG).

“Hindi na sapat ang pag-condemn sa China,” sabi ni Zubiri. “Kahit pa maraming sektor ng pandaigdigang komunidad ang matatag na sumusuporta sa atin, hindi natin matitinag ang China.

Baka Bet Mo: Nadia naging PH Navy reservist sa edad 52: ‘There are no limits!’

“Malinaw na nais nilang patuloy na gamitin ang kanilang lakas upang mapasok ang ating teritoryo at ang ating eksklusibong economic zone,” dagdag ng senador.

Ibinida ni Zubiri ang P6 bilyong budget para sa AFP at P2.8 bilyon para sa PCG sa pambansang budget ng 2024, na nakatuon sa modernisasyon ng kanilang mga kagamitan upang paghandaan ang palakas nang palakas na aksyon ng China sa South China Sea.

Binanggit din niya ang bagong ipinasa na New Government Procurement Act, na makakatulong upang “mabilis na mabili ang mga kinakailangang kagamitan para sa ating matatapang na sundalo, na nagbubuwis ng kanilang buhay para sa soberanya ng ating mahal na bansa.”


“Nakahanda na ang budget, at parating na ang batas. Nanawagan ako sa lahat ng mga nasa gobyerno na kumilos ng may pinakamataas na agarang pagkilos upang maisakatuparan ang ating mga plano sa modernisasyon, upang makapag-set up tayo ng mas malakas na depensa sa West Philippine Sea,” sabi ni Zubiri.

Baka Bet Mo: Rocco Nacino level up ang pagiging reservist, isa nang honorary member ng ‘Navy Seal’

Binigyang-diin ni Zubiri ang kahalagahan ng paghahanda dahil sa tumitinding karahasan malapit sa BRP Sierra Madre, kung saan ang mga tauhan ng Chinese Coast Guard na may dalang bolo at palakol ay ilegal na sumampa at bumangga sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa isang resupply mission, na nagdulot ng pinsala sa mga inflatable hulls at mga sugat, kabilang ang isang tauhan ng Navy na nawalan ng hinlalaki.

“Nakita naman po natin sa mga nirelease na video kung paano kinawawa, pinagtulungan at parang kinuyog ang ating mga magigiting na sundalo, isa po ay nagtamo pa ng seryosong pinsala sa katawan,” sabi ni Zubiri.

“Ang pag-usad ng ating programa sa modernisasyon ng puwersa ay ang tanging paraan pasulong. Hindi man natin kayang tapatan ang lakas ng China, madadagdagan natin ang ating puwersa sa pagpapatrolya ng West Philippine Sea,” dagdag pa niya.

Read more...