Jon Santos may bonggang show for Pride Month, Nyoy at Sue bumilib

Jon Santos may bonggang show for Pride Month, Nyoy at Sue bumilib

PHOTO: Instagram/@cpatofficial

MAY bonggang show ang veteran comedian-actor na si Jon Santos na handog para sa pagdiriwang ng Pride Month!

Ito ang interactive one-man play na pinamagatang “Bawat Bonggang Bagay” na nag-umpisa na ang rerun at matatapos sa June 30.

Tiyak na mapapatawa kayo nang bongga sa inihandang performance ni Jon, pero asahan din na may mapupulot kayong aral mula sa kwento ng kanyang show.

At kahit nag-iisa lamang siya sa kanyang pagtatanghal, bidang-bida rin ang mga manonood dahil magkakaroon ng pasrtisipasyon ang mga mapipili mula sa audience.

Ayon sa aktres na si Sue Ramirez at singer-actor na si Nyoy Volante, must-watch ang ongoing show ni Jon kaya hindi dapat ito palampasin ngayong Hunyo!

Baka Bet Mo: ‘Little Shop of Horrors’ star-studded; bibida sina Sue, Karylle, Nyoy, Reb

“I was moved…This is a must-watch masterpiece! Jon Santos did such an amazing job,” pagpupuri ni Sue.

Dagdag naman ni Nyoy, “Sobrang Kakaiba ito. Sobrang galing ni Jon and you’ll come out a changed person, I promise. So watch it!”

Ang “Bawat Bonggang Bagay (BBB)” ay ang Filipino translation ng “Every Brilliant Thing” ng English playwright and director na si Duncan Macmillan.

Pero ang kaibahan lang, mas personal at nakaka-relate ang atake nito sa mga kababayan nating mga Pilipino.

Ilan lamang sa mga tatalakayin ni Jon sa show ay tungkol sa mental health, sexuality at ilang “taboo” pagdating sa mga nakasanayan nating kultura.

Ayon sa The Sandbox Collective, ito ang special staging na inihanda nila para sa pagdiriwang ng Pride Month na nagsimula na noong June 22 hanggang June 30 sa Samsung Performing Arts Theater.

Ilang beses na nagkaroon ng rerun ang nasabing show kung saan nakakuha ito ng dalawang nominasyon sa 2023 BroadwayWorld Philippines Awards –ang BBB ay nominated bilang “Best Play,” habang si Jon ay “Best Actor.”

Setyembre ng nakaraang taon naman nang huling ipalabas ang limited rerun ng BBB na may six sold-out performances.

Para sa mga nais makanood, mabibili ang tickets sa Ticketworld Outlets nationwide o kaya naman through online.

Paalala lang, ang show ay may temang tungkol sa mental health kaya ang inirerekomendang edad ng audiences ay 15 years old pataas.

Read more...