Aktor nagpabili ng pagkain para sa lahat, pagkain sa set delayed?

Aktor nagpabili ng pagkain para sa lahat, pagkain sa set delayed?

PURING-PURI ng co-actors niya at production people ang aktor na kasama sa serye dahil nagpapabili ito ng pagkain para sa lahat isama na ang direktor dahil laging delayed ang dating ng pagkain nila sa set.

Sa mga unang linggo ng shoot ng teleserye ay okay naman daw ang dating ng pagkain nila at masayang magkakasalo ang ibang artista at production people.

“Bukod sa late ang dating ng pagkain, hindi mo maintindihan ‘yung food like sa breakfast, darating ng 8AM isdang may sabaw ang ulam at kanin. Minsan naman ‘yung dinaing na isda hinati sa dalawa at kanin at konting itlog, hindi tig-isang itlog kasi scrambled ang luto tapos hinati -hati.

“Sa tanghalian, ito ang nightmare, imagine darating ang lunch alas tres ng hapon o pasado pa? Anyare?”

Siyempre lahat gutom sa set dahil ang aga ng call time tapos alas tres na kumakalam na ang sikmura ng mga tao.

Baka Bet Mo: Gwapong aktor ayaw makatrabaho ng ilang celebs, bakit kaya?

“’Yung mga artista nagpapabili ng pagkain o kaya umorder sa labas. E, paano ang production? Kawawa naman ang mga crew, utility,” kuwento ng aming source na saksi sa mga nangyari.

Dahil sa awa sa lahat kaya ang aktor na kasama sa serye ay nagpapabili ng pagkain nila dahil nakita niyang gutom na ang lahat.

Bakit delayed ang dating ng pagkain o catering? Baka naman sobrang layo ng locations na kinailangan pang tumawid ng ilog o umakyat ng bundok ang mga magdadala ng pagkain kaya late.

“Ewan ko, basta hindi ganito ang patakaran dati ng productions, sobrang laki na ng pagbabago, si (aktor) hindi ko nga alam kung tatanggap pa ng project kapag itong production ulit ang may hawak,” say sa amin ng aming kausap.

Nabanggit naming malaking kawalan para sa mga artistang hindi na tatanggap ng offer mula sa produksyon dahil mahirap ang walang trabaho.

“Mas mahirap namang magtrabaho na kumakalam ang sikmura mo! Saka halos lahat ng artistang kasama sa serye maraming offers or puwedeng hindi na nila prayoridad ang production.” katwiran ng aming source.

Actually, ipinadala sa amin ang mga kuhang larawan ng mga pagkain sa set at hindi na kami nakapag-reak pa.

Hirit namin na hindi ba dapat magpasalamat ang lahat dahil may pagkaing hinahain kaysa sa wala? Kung hindi nila type ang pagkain, e, di magpabili sila kasi ganito ang alam kong ginagawa ng ibang artista kapag hindi bet ang food ay bumibili sila ng sarili.

“Hindi naman nag-ask ng bonggang food, sana ‘yung maayos at nasa TAMANG ORAS, “ito ang sagot sa amin na talagang capitalized pa ang ‘tamang oras.’

Sabi pa ng aming kausap ang standard rate raw per meal ay P120 na may kasamang meat, gulay, kanin at dessert pero kung sobrang pagtitipid daw ay kanin at isang ulam lang ang kasama.

Napaisip tuloy kami na sobrang bongga pala ang pa-food ng ilang producers nan aka-work namin dahil dalawang klaseng ulam like hita o breast ng manok or porkchop at gulay plus prutas for dessert.

“Ganyan dapat, busugin mo ang mga tao para naman ganahan silang magtrabaho at mapupuri pa ang producer, e, kung tinitipid sila at super delayed pa, anong puri aasahan mo?” sabi pa ng aming source.

Read more...