NAGBITIW na sa pwesto bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) si Vice President Sara Duterte.
Kinumpirma ito mismo ng Malacañang at sinabing hindi na ibinunyag ng bise presidente ang kanyang dahilan.
Bukod diyan, nag-resign na rin si Duterte sa kanyang posisyon bilang vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).
“At 2:21 pm of 19 June 2024, Vice President Sara Duterte went to Malacanang and tendered her resignation as Member of the Cabinet, Secretary of the Department of Education and Vice Chairperson of the NTF-Elcac, effective 19 July 2024,” saad ng palasyo sa isang pahayag.
Dagdag pa, “She declined to give a reason why. She will continue to serve as vice president.”
Baka Bet Mo: VP Sara ‘di na pinarusahan ang viral teacher na nanigaw ng mga estudyante
Nitong mga nakaraan, kapansin-pansin ang pagiging absent ni Duterte sa mga ganap ni Pangulong Bongbong Marcos na kung saan ay hindi siya nakadalo sa departure ceremonies ng huli sa pag-alis nito papuntang Singapore at Brunei.
Missing in action din ang vice president sa ilang law-signing ceremonies ng Malacañang at kabilang na riyan ‘yung batas na nagbibigay ng karagdagang allowances sa mga guro.
Bagamat, hindi riyan nagsimula ang tila “falling out” ni Duterte sa mga miyembro ng Marcos administration.
Noong 2023, tinanggihan ng mga mambabatas ang proposed funds niya.
Nitong taon naman nang aminin ni First Lady Liza-Araneta Marcos na ini-snub niya si Sara Duterte.
“Bad shot na ’yan sa akin,” paliwanag niya sa isang panayam.
Marami ring hinaharap na isyu si Duterte – may mga nagbabatikos sa kanya dahil sa kawalan umano niya ng expertise bilang isang educator na nagha-handle ng DepEd, pati na rin ang pagiging tahimik niya pagdating sa maritime aggression ng China sa West Philippine Sea.