HINDI lang daw dapat puro salita ang mga politiko tungkol sa pagmamahal nila sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community, sey ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman.
Sa kanyang dinaluhang Pride Month celebration and protest na “Awra Marikina: Rampa ng Pag-ibig at Kalayaan” noong June 15, ibinahagi ng kongresista ang nalalapit nang pagpasa sa House of Representatives ng Sexual Orientation, Gender Identity or Expression, or Sex Characteristics (SOGIESC) Bill.
“Ito po ay nasa kaunting kembot na lang, mapapasa na sa House of Representatives. Medyo magdedebate pa tayo kasama ng iba pang mga congressman at maipapasa na rin po ito,” ani Rep. Roman.
Nanawagan rin siya sa publiko na samahan siya at katukin ang mga puso mg senador para kilalanin ang SOGIESC Bill na naglalayong magbigay proteksyon sa bawat indibidwal anuman ang kasarian ng mga ito laban sa diskriminasyon.
“Pwede ba nating katukin ang mga puso ng ating mga senador? Pero dapat gawin natin ‘yan with a smile, kaunting lambing. Kausapin natin sila. Kasi ang mga congressman, ang mga senador ay mga politiko, katulad ko, aminado ako doon,” pagpapatuloy pa ni Roman.
Aniya, dapat raw ay patunayan ng mga pulitiko ang mga sinasabi nilang mahal nila ang mga miyembro ng komunidad sa pamamagitan ng pagkilala sa mga karapatan nito.
“Kaya nga lang, kapag sinasabi ng mga politiko na ‘mahal namin ang LGBTQIA+ community,’ dapat may patunay. Hindi mo naman pwedeng sabihing ‘I love you’ but you don’t show the love,” sey pa ni Roman.
Nasabi nga niya na ilang kawani na rin ng gobyerno ang nagparamdam ng pagmamahal gaya nina Rep. Stella Quimbo at ang asawa nitong si dating House Deputy Speaker Miro Quimbol dahil bumoto ang mga ito para sa SOGIESC Bill.
“Pero ‘yung ibang mga politiko, naalala lang tayo pagdating ng halalan, sinasabi na mahal tayo pero hindi naman kinikilala ang ating legal rights. Pagmamahal ba ‘yun?” hirit pa ni Roman.
Iginiit rin niya na dapat maging demanding anf bawat isa at almin kung ang mga pulitiko na kumakatawqn sa kanila ay kinikilala ang kanilang karapatan.
“Huwag kayong makuntentong sabihan kayo ng ‘I love you.’ Dapat kilalanin din ng iba’t ibang mga congressman ang ating mga karapatan sa ilalim ng batas,” paalala ni Roman.