NAGPAHAYAG ng sariling opinyon ang kilalang internet personality at content creator na si Rosmar Tan.
Ito ay kaugnay sa isinasabit na “money garland” tuwing may espesyal na okasyon, lalo na pagdating sa mga kasal at graduation.
Kamakailan lang kasi, tila ginawan ito ng isyu ng ilang netizens kung saan ikinumpara pa sa boxing icon na si Senador Manny Pacquiao.
Ibinandera ito mismo ni Rosmar Tan sa Facebook kung saan makikita ang isang collaged photo na may picture ni Pacman kasama ang anak na si Princess na nagtapos ng high school, tapos sa katabi nito ang isang picture naman ng mag-ina na mukhang grumaduate din ang anak at may nakasabit na money garland.
Kalakip pa niyan ang salitang “bilyonaryo” at “ordinaryo” bilang pagkumpara sa dalawang picture.
Baka Bet Mo: Rosmar Tan ‘pinakamalakas’ maging ninang, nagregalo ng kalahating milyon sa bagong kasal
Ayon sa content creator, wala namang masama sa pagsabit ng nasabing garland dahil pinaghirapan din ito ng nagbigay.
Caption sa bahagi ng kanyang post, “Come to think of it, Nag-effort ang magulang na sabitan ng money cape ang anak, bukod sa pagkakayod malala para maipon ang pera na ilalagay sa kapa, ilang oras din ginawa ung kapa at dinikit isa isa ang pera. Imagine ung effort ng magulang na gawin un tapos ending may masasabi pa rin na negative comment ang mga tao?”
Inalala pa ng socmed star ‘yung time na ikinasal sila ng kanyang mister na kung saan ay sinuotan sila ng money cape ng kanyang mga magulang na nagkakahalaga ng isang milyong piso.
Kwento ni Rosmar, dahil daw sa ibinigay ng kanyang parents ay nagbago ang kanilang buhay.
“Syempre laking tulong ng pera na panimula nyong mag asawa sa buhay na tatahakin nyo after ng kasal,” sey niya.
Patuloy ng TikToker, “kaya nung sinabit na un samin di ko maipaliwanag ung saya at kaba kasi finally may PANIMULA NA KAMING MAG ASAWA kasi naubos lahat ng ipon namin at kinita sa endorsement para lang kasal na pangarap namin [red heart emoji] sabi ko nga sardinas na after kasal HAHAHA.”
Paliwanag ni Rosmar, ito rin ang naging dahilan kaya nagbibigay siya ng P50,000 hanggang P200,000 sa kasal kahit hindi nila kadugo dahil alam niya ang malaking gastos sa tuwing ikakasal.
“Sana imbes na i-judge natin ung mga magulang na nag eeffort surpresahin mga anak nila e matuwa nalang tayo at ma inspire na mas galingan sa life para darating ung time na magagawa din natin un para sa mga anak natin. Sabi nga imbes na mainggit? Mainspire [laughing face, red heart emojis],” sambit niya.
Para naman sa mga nagtatanong kung bakit hindi nalang daw sa labas ng school o sa bahay ibigay ang money garland para hindi kaiinggitan ng ibang estudyante.
“Parang Valentines day lang ‘yan –college days o ung iba highschool palang HAHAHA may mga flowers na bitbit tapos ung iba naman na girls walang flowers. Syempre yan din way ng boys para ma express ung effort nila sa gf nila, pero ung ibang boys walang pake sa valentines kaya ung ibang girls walang bitbit,” paliwanag niya.
Sa comment section, maraming netizens ang sumang-ayon at nagbigay ng suporta para sa naging opinyon ni Rosmar.
Narito ang ilan sa mga nabasa namin sa comment section:
“Sadyang mga tao talaga basta lang may sabi..Puro puna. Haist nakakawindang nasa social media. Mga ugali grabe!”
“Hayaan nalang sana kasi choice nila yan sana wag gawan ng issue.”
“Kanya kanya naman kasi tayong pamamaraan kung kaya naman ng magulang na ibigay ‘yan sa anak nila bakit hindi, ‘yun nga lang tayong mga Filipino di maalis sa atin ang salitang (INGGIT) sa kapwa kahit may maganda kang nagawa may masasabi pa rin.”
“Pag inggit pikit [laughing faces emojis]”
“Kanya kanya ng pamamaraan yan kung paano nila ipakita ang support nila sa mga anak nila.”