“PAANO siya tatakbo kung hindi siya tagarito?” Yan ang tanong sa amin tungkol sa pagtakbo umano ni Marjorie Barretto sa susunod na eleksyon.
Tanong pa ng aming kausap na residente ng Caloocan City, “‘Di ba sa Ferndale Village siya nakatira sa Quezon City? Sa Barangay Pasong Tamo ‘yun kaya hindi na sakop ng Caloocan.”
Maugong ang tsikahan sa nasabing lungsod na babalik sa politika si Marjorie at sa pakakataong ito ay sa unang distrito raw ng Caloocan siya kakandidato.
Matatandaang naging konsehala ng 2nd District ng Caloocan si Marjorie mula 2007 hanggang 2013 o dalawang termino.
Kuwento sa amin, ang unang plano ay tatakbong kongresista ang ina ng magkakapatid na Dani, Julia, Claudia, Leon at Erich sa partido ni dating Sen. Antonio Trillanes IV pero malaki ang kinakailangang pondo na tila aabot daw sa P80 million.
Baka Bet Mo: Dennis Padilla handang makipag-ayos kay Marjorie para sa mga anak
Si Trillanes ay napabalita ring kakandidato sa pagka-Mayor ng Caloocan kung saan talaga siya ipinanganak at bumuboto hanggang ngayon.
Hindi kaya ni Marjorie ang gastos sa pagkakongresista kaya umatras at lumapit daw kay 1st District of Caloocan Representative Oca Malapitan at nagkasundong balik-konsehala na lang siya sa distrito ng huli.
Nabanggit pa ng aming kausap na nangako umano si Cong. Oca na susuportahan niya si Marjorie sa pagbabalik nito sa konseho kaya pala nakita ang dating konsehala na naglilibot sa nasabing lungsod at may nakita ring tarpaulin na binabati niya ng happy fiesta ang mga taga-Caloocan.
Kaya tinanong kami kung paano kakandidato si Marjorie na hindi naman daw siya taga-Caloocan?
Sagot namin sa aming kausap, baka may bahay siya sa Caloocan, hindi lang nababalita dahil ganu’n naman ang mga personalidad na hindi ipinamamalita kung may mga bahay sila sa iba’t ibang lugar.
Di ba nga’t may property din si Marjorie sa Calumpit, Bulacan kung saan nakatayo ang kanyang River Garden Rest House na every now and then ay naroon sila ng kanyang mga anak base na rin sa kanyang YouTube channel.
Sabi pa ng aming kausap, “Dati, nu’ng tumakbo siya, 2nd District kasi tagarito si Dennis (Padilla). Gamit niyang address ‘yung kay Dennis. Eh, ngayon, wala na sila ni Dennis, kaninong address ang gagamitin n’ya?”
Wait na lang natin kapag nag-file na si Marjorie ng kanyang kandidatura kung anong address ang ilalagay niya at naniniwala kami na may bahay siya sa Caloocan hindi lang nababalita.
Anyway, nabanggit din nabl baka suportahan ni dating Caloocan Mayor Recom Echiverri ang kanyang pagtakbo alang-alang sa kanilang anak na si Erich na ngayon ay 12 years old na.
Naikuwento rin ng aming kausap na okay pa rin sina Recom at Marjorie base sa nakitang tsikahan nila sa ginanap na 50th birthday ng huli sa Cirkulo Restaurant Milkyway Building, Paseo de Roxas nitong Mayo 19.