MARAMI kaming nakatsikahang artista ang hindi na magre-renew ng kontrata sa talent agency na humahawak sa kanilang karera.
Nalaman namin na matagal nang tapos ang mga project na ibinigay sa kanila pero hindi pa raw nababayaran sa kanilang mga talent fee.
‘Yung ibang kausap namin ay on-going ang projects pero hindi pa rin nagbibigay ng talent fee simula nu’ng mag-start silang mag-shooting o mag-taping.
“Sana naisip ng ____ (talent agency) na nangangailangan din kami, may pamilyang binubuhay, kung hindi pala nila kayang magbayad bakit panay ang kuha nila ng talents? Hindi naman pala nila kayang alagaan,” ang himutok ng isa sa sikat na artistang nakatsikahan namin.
Baka Bet Mo: Ogie may pa-blind item na mga ‘bugaw’ umano: ‘Mga politiko na ang ka-date’
Marami kaming naririnig pang reklamo sa talent agency at ang iba ay mismong konektado pa at ang naging problema raw ay dahil bago ang taong humahawak sa mga pag release ng talent fees ng mga artista, ilang beses daw nagpapalit kaya nagugulo ang records.
Payo namin na makipag-usap ulit at sabihin ang kanilang problema na kailangan nila ang perang kinita nila.
“Naumay na kami sa kakausap, laging ‘oo’ at ‘inaayos pa’ ang sagot. Taon na ang binilang hindi makakapaghintay ang sikmura ng pamilya namin,” sagot sa amin.
Dagdag pa, “Yung sana man lang ma-enjoy mo ‘yung kita mo after work? Ang suwerte nga ng ibang artista na nakaka-work nila ay kaliwaan ang bayad, sana all.”