PARA sa internet sensation at tinaguriang “Pares Diva” na si Diwata, inggitera lang daw ang mga bashers sa social media.
Hindi na masyadong iniitindi at pinapatulan ng sikat na sikat na may-ari ng Paresan Overload ang mga taong patuloy na naninira at nangnenega sa kanya at sa kanyang negosyo.
Nakausap namin si Diwata kahapon, sa naganap na event ng Shift, isa sa mga original at nangungunang vape brand sa bansa, kung saan isa siya sa mga kilalang influencer na napiling celebrity ambassador.
Tinanong namin si Diwata o Deo Balbuena sa tunay na buhay, na napapanood na rin ngayon sa Kapamilya series na “FPJ’s Batang Quiapo” ni Coco Martin, kung ano ang gusto niyang ipaabot na mensahe sa kanyang mga haters.
“Sa lahat ng bashers, may pagkakataon pa para magbago at makaahon din sa buhay, di ba?
Baka Bet Mo: Sagot ni Diwata sa vlog ni Ogie: Kung hindi gusto, huwag nang bumalik!
“Hindi lang sana yung pamba-bash ang nasa isip, dapat isipin din kung paano gaganda at giginhawa ang buhay,” simulang pahayag ni Diwata.
Patuloy pa niya, “Kasi, ano bang rason kung bakit n’yo bina-bash ang isang tao na wala naman sigurong ginagawang masama sa inyo. Una, hindi naman yata kayo napeperwisyo, pangalawa hindi naman kayo inagrabyado.
“So, walang rason para i-bash n’yo ang tao. Ngayon kung naiinggit kayo, at kung yun lang ang dahilan, magsikap na lang din, di ba? Para makaangat din sa buhay. So, yun lang,” dugtong pa niya.
Dagdag pa niyang paliwanag, “Pero ako naman, hindi ako nagpapaapekto sa mga bashers, kasi bakit naman ako magpapaapekto e, wala namang maitutulong yan sa buhay ko na maganda. So, dedma na lang sa mga basher.
“Nagbabasa rin ako ng mga comments sa social media pero scroll lang ako. Kapag alam kong bashing delete, block. Bakit ko pa sila iintindihin sa dami ko nang iniisip, lalo ka lang mai-stress.
“Tsaka sinasabi ko lagi, bakit ako magpapaapekto sa bashers, e wala namang maidudulot yan sa sarili ko na maganda.
“Saka hindi ko sila inaagrabyado at pineperwisyo, gumagawa naman ako nang tama, lumalaban ako nang patas, bakit ko pa sila iintindihin?” esplika pa ni Diwata.
Hirit pa niya, “Ako tingin ko talaga, yung mga basher mga inggit, mga inggitera, mga negative people. Basta tayo, du’n na lang tayo sa positive.”
Samantala, bukod kay Diwata, dumalo rin sa kauna-unahang VapeFest ng Shift at ng Chillax sa Metrowalk Tent Convention Center sa Pasig City ang ilan pang kilalang influencers at vloggers, kabilang na sina Boss Toyo, Sazchna Laparan at Rosmar Tan.
In fairness, pununpuno ang venue kaya naman masasabing super successful ang paandar at pasabog ng first-ever VapeFest sa Manila. Naki-sing and dance rin ang mga invited guests sa pa-concert ng Agsunta at ilang P-pop groups.
Mas napuno pa ng sigawan at palakpakan ang MetroTent nang magpa-raffle ang organizers ng mga motor at isang mamahaling brand new car.
Siyempre, tuwang-tuwa si Mr. Eugene Chua, CEO ng Shift International, pati na rin sina Ben Xu, CEO ng Chillax at Celine Cheung, Global Product Marketing Manager ng Chillax dahil sa success ng kanilang event.