Pokwang sa vlogger na diring-diri sa sardinas: ‘Umayon sa itsura ang kaartehan!’

Pokwang sa vlogger na diring-diri sa sardinas: ‘Umayon sa itsura ang kaartehan!’

PHOTO: Instagram/@itspokwang27

HINDI na napigilang mag-react ng komedyana na si Pokwang sa isang content creator na diring-diri sa de latang sardinas.

Recently lamang, ibinandera ng vlogger na nagngangalang Tito Mars ang kanyang “Sardinas Eating Challenge” bilang marami raw ang nag-request sa kanya at never pa siyang nakatikim nito.

Nakita namin ang naturang video kung saan ibinandera ng content creator na halos isuka niya ito at bahong-baho na tinakpan pa niya ang kanyang ilong bago isubo ang isang piraso ng sardinas.

Mukhang napanood din ito ni Pokwang at tila pinaringgan ang nasabing vlogger sa social media.

Walang na-mention na pangalan ang komedyana, pero talagang tinalakan niya ito sa pamamagitan ng Instagram post.

Baka Bet Mo: Pokwang sinigurong wala nang second chance sa relasyon nila ni Lee O’Brian: Basta OK na OK na ako, bye!

“Walang problema kung ayaw mo sa isang pagkain pero ‘yung umarte ka at umasta na para bang diring-diri ka sa uri ng pagkain na ‘yun…napaka insensitive mo ha,” caption ng aktres.

Wika pa niya, “Mga tao talaga ngayon makagawa lang ng content kahit mawalan na ng pusong tao walang pakialam for the views!!!!! Very evil!!!”

“May kabayaran lahat ‘yan hindi pa ngayon, pero binibilang ni God ‘yan pati mga panglalalit niyo,” ani pa niya, kalakip ang hashtag na “Umayon sa itsura ang kaartehan.”

Bukod diyan, ibinida pa ni Pokwang sa isang video kung gaano niya kapaborito ang sardinas na nagsisilbing “comfort food” niya sa matagal nang panahon.

“Guys, ang ulam ko ngayon ay ang paborito ko at ang kinalakihan namin ng mga kapatid ko dahil walang-wala kaming pera…pero hanggang ngayon –ewan ko, happy food ko ito,” sey niya.

Kwento pa niya, “Sobrang love na love ko ang sardinas. Kaya ‘yung mga gumagawa riyan ng content na parang bang diring-diri sa sardinas, parang pinandirihan mo nalang ‘yung kung ano lang ang kaya na kainin ng mga kababayan nating naghihirap na hindi naman nila gustong maging mahirap.”

“Huwag ganun, te! Ang sarap nito [ng sardinas],” mensahe pa niya.

Nabanggit din ni Pokwang ang mestisa niyang anak na si Malia na hindi maarteng kumakain ng sardinas.

“‘Yung anak kong si Malia, ang ganda ‘diba, mestisang-mestisa ‘yun…pero jusko dai, gustong-gusto niya ang sardinas, lalo na kapag ginigisa sa talbos na kamote,” pagmamalaki ng batikang aktres.

Sa comment section, maraming netizens ang sumang-ayon kay Pokwang. Narito ang ilan sa mga nabasa namin:

“Gigil na gigil din ako mamamg [crying emoji]”

“Sardines daming naitawid sa gutom noong pandemic ‘wag kakalimutan.”

“What is wrong with sardinas? Who complained about it? [Kasi] kahit sa US kumakain din kami ng sardinas nakakamay pa. Hayyy people”

“Naku!!! More than 20 years na ako dito sa Paris, France pero favorite ko ang ginisang sardinas with maraming sibuyas…Kaya lagi akong meron niyan. Napaka-hypocrite naman at napaka maarte naman ‘yung nagsasabi na diring-diri sila sa sardinas.”

“Haist ni-report ko ‘yung acla na ‘yun…Sarap sipain ang gilagid [laughing emoji] Magka-content lang!”

Read more...