MAHILIG ba kayong magbasa o magkwento sa inyong mga tsikiting?
Heto na nga, may patok na bagong libro na siguradong kagigiliwan ng mga bata!
Pinamagatan itong “Ang Kwento ni Mimosa” published by Lampara Books na isinulat ni Bimbo Papasin at iginuhit naman ni Aldy Aguirre.
Nakapanayam ng BANDERA ang awtor ng libro at naikwento niya sa amin na nagawa niya ito sa loob lamang ng tatlong araw.
Ang bagong book ay tungkol sa journey at struggles ng isang Mimosa seed na nag-aasam na maging kasing ganda niya balang araw ang kanyang nanay –pero imbes na sa lupa tumubo, siya ay napunta sa loob ng isang coral.
Baka Bet Mo: #SerbisyoBandera: 100th birthday ng yumaong sikat na pintor bibigyang-pugay
Pagtitiyak ni Bimbo, maganda ang ending ng kwentong ito at tiyak na may kapupulutan na magandang aral ang mga bata.
“Inspired ito sa coral na pasalubong sa akin ng father-in-law ko sa Cagayan province. Mahilig kasi ako sa halaman at bonsai,” wika niya.
Nabanggit din ng award-winning book author na mahigit 16 years na siyang sumusulat ng mga panitikang pambata.
Ayon sa kanya, isa sa mga inspirasyon niya ay ang panganay niyang anak na si Alonzo na mahilig magpakwento sa kanya ng bedtime stories.
“Gabi-gabi halos nagkukwentuhan kami tapos may mga question and answer portion pa kami in between kaya kita ko sa kanya na hilig niya talaga ang mga kuwentong pambata,” chika niya sa amin.
Habang ang kahusayan naman ni Bimbo sa pagsusulat ay tila namana niya sa kanyang ama na isang writer sa mga stage play, radyo at marami pang iba.
Pero, aniya, nagsimula talaga ang kanyang passion sa pagsusulat ay ‘nung nabigyan siya ng libro ng kanyang teacher.
Pag-alala ng book author, “Nag-spark sa akin ang pagiging mahilig sa libro noong Grade 2 ako nung nag-Top 1 ako sa klase. Niregaluhan ako ng teacher ko ng librong ‘Jack and the Beanstalk.’ Ayun siguro ang pagsisimula.”
“Pagkagaling sa school diretso na ako sa kwarto namin at magbabasa na ako ng mga kwento. Bukod pa ‘yun sa mga libro ko noon sa paaralan na isinulat sa English,” patuloy niya.
Mula sa pagbabasa ng iba’t-ibang klase ng libro, nagsimula na rin daw siyang mangolekta ng children books na ginawa ng mga lokal at premyadong awtor sa bansa.
Taong 2008 nang unang isinulat ni Bimbo ang first-ever book niya na may titulong “At muling ngumiti si Haring Araw.”
Tungkol ito sa global warming at kung ano ang pwedeng magawa ng mga bata para makatulong na maibsan ito.
“At for 5 consecutive years, naging finalist at ginawaran ng Catholic Mass Media Awards ang mga kuwentong aking naisulat,” proud niyang sinabi sa amin.
Nang tanungin naman namin siya kung bakit sa napakaraming iba’t-ibang klase ng libro ay mga pambata ang napusuan niya.
Ang kanyang sagot, “Gusto ko kasing maibahagi sa aking mga anak ang mga kwentong nabasa ko at naaral ko noong kabataan ko.”
“Gusto ko rin, siyempre, i-share ito sa mas marami pang kabataang Filipino para ma-inspire sila at maaari pang maging mga mahusay na manunulat balang araw. Mayaman kasi ang kultura at tradisyon natin kaya dapat ipakilala natin ito sa buong mundo,” dagdag pa ni Bimbo.
Sa huli, nagpaabot ng nakakaantig na mensahe ang award-winning book author sa madlang pipol.
“Ang ‘Kuwento ni Mimosa’ ay kwento rin ng bawat isa sa atin. Maaaring ma-delay ang ating mga pangarap pero ‘di ibig sabihin ay titigil na tayo sa pag-aspire at pagkilos,” sambit niya.
Aniya pa, “Dapat paghandaan natin ito para kapag dumating na ‘yung tamang panahon, ready na tayo for the big opportunity na iyon. And siyempre, we should always be grateful sa Panginoon sa lahat ng blessings na ibibigay Niya sa atin –embrace it with open arms! And kung pwede mo ring i-share, share ito sa iba.”