ANGEL 2013 most beautiful woman; SARAH, MAJA hindi rin nagpatalbog


Nanguna ang leading ladies ng upcoming primetime teleserye ng ABS-CBN, ang The Legal Wife na sina Angel Locsin at Maja Salvador sa listahan ng “100 Most Beautiful Women in the Philippines for 2013,” ang online poll ng sikat na entertainment blog na Starmometer na nilahukan ng libu-libong fans sa Twitter at Facebook.

Nasungkit ni Angel ang titulong “Most Beautiful Pinay” at tinalo ang iba pang 99 Filipina celebrities sa nakalap niyang kabuuang boto na 1,631,590.

Iniluklok naman ng netizens sa ikatlong pwesto si Maja na may 544,598 na boto. Nanguna rin si Angel sa taunang ‘Most Beautiful’ online poll noong 2006, 2007, 2008, 2009 at 2010.

Muling nagreyna ang ABS-CBN sa resulta ng online poll ngayong taon dahil siyam na pwesto ang sinakop ng Kapamilya stars sa top 10 list.

Pasok sa listahan sina Sarah Geronimo (no. 2), Karylle (no. 4), Kim Chiu (no. 6), na sinundan nina Bea Alonzo, Anne Curtis, Jewel Mische at Jessy Mendiola.

Samantala, ibinahagi kamakailan ng creative team ng The Legal Wife sa pangunguna nina Malou Santos at Des Tanwangco, ang matapang at makatotohanang kwentong ilalahad ng pinakabagong family drama series ng Kapamilya network.

Ang ‘The Legal Wife ay kwentong pampamilya na iinog sa mga pinagdaraanan ng karakter ni Angel na si Monica. Hindi lamang ito tungkol sa mga totoong pinagdaraanan ng isang legal wife kundi maging ang iniisip at nararamdaman niya bilang isang anak, kapatid, ina, career woman, at kaibigan,” pahayag ng creative manager na si Henry King Quitain tungkol sa kanilang serye na pagbibidahan nina Angel, Maja, Jericho Rosales at JC de Vera.

“Dapat ring abangan ng mga manonood ang big twist sa istorya, kung paano mabubuo ang love quadrangle sa pagitan ng mga karakter, at kung bakit The Legal Wife ang titulo ng programa” dagdag ni Henry.

Bahagi ng patuloy na selebrasyon ng ika-60 taon ng telebisyon sa Pilipinas, ang The Legal Wife ay ang pinakabagong family drama ng ABS-CBN ay obrang pantelebisyon ng award-winning directors na sina Rory Quintos at Dado Lumibao.

Sa kwento, gagampanan ni Jericho ang role ni Adrian, ang asawa ni Monica; JC bilang si Max, ang katrabaho ni Monica; si Maja si Nicole, ang bestfriend ni Monica na kalauna’y magiging lover ni Adrian.

( Photo credit to Google )

Read more...