#RefreshingYarn: Top 10 ‘samalamig’ ng mga Pinoy tuwing tag-init

#SherepYarn: Top 10 ‘samalamig’ ng mga Pinoy ngayong tag-init

INQUIRER file photo

NGAYONG taon, grabe ang init na nararanasan sa Pilipinas dahil bukod sa summer season ay patuloy pa rin ang epekto ng El Niño.

Pero knows niyo na ba kung ano ang pinaka effective upang maibsan ang init?

‘Yan ay sa pamamagitan ng pag-inom din ng tinatawag nating “samalamig” o kilala rin bilang palamig!

Naging tradisyon na at paborito sa ating bansa ang mga ganitong klaseng inumin na talaga namang refreshing at masarap.

Ano nga ba ang samalamig?

Ito ay isang malinamnam at malamig na inumin na kadalasang gawa sa tubig, asukal, at iba’t-ibang sangkap katulad ng sago, gulaman, mga prutas, at flavoring.

Baka Bet Mo: ‘Buko’ ni David Licauco pinagtripan ng mga beki, topless photo sa beach viral na

Ang samalamig ay bahagi na ng kultura ng mga Pinoy na kadalasan ito ay mga ibinebenta sa mga kalsada at sari-sari store o kaya naman ay nilalako sa kalye.

Narito ang Top 10 samalamig na kadalasang iniinom ng ating mga kababayan:

Sago’t Gulaman

PHOTO from Kawaling Pinoy

Ito ang pinakasikat at popular na samalamig sa bansa na gawa sa malagkit na sago at gulaman na may tamang tamis ng tubig at asukal.

Madalas din itong nilalagyan ng pandan flavor o kalamansi upang magbigay ng dagdag na lasa.

Buko Pandan

Buko Pandan

Isa pang kilalang variant na binubuo ng mga pira-piraso ng buko at gulaman na may lasa ng pandan at niyog.

Melon Juice

PHOTO from Serious Eats

Ito naman ay gawa sa pinigang melon, asukal, at tubig. Mayroon din itong malutong na prutas ng melon na nagbibigay ng kakaibang tamis at lamig.

Halo-Halo

Halo-Halo

Isa sa iconic na inumin at dessert ay ang Halo-Halo o sa Ingles ay “Mix-Mix.”

Ito ay napakasarap na treat tuwing tag-init at paborito ng marami dahil sa kanyang kakaibang kombinasyon ng iba’t ibang sangkap, katulad ng sago at gulaman, minatamis na prutas, ube halaya, leche flan, ice cream, macapuno, kaong, beans, gatas at yelo.

Guinumis

PHOTO from Ang Sarap Recipes

Ang guinumis ay isang uri ng samalamig na binubuo ng gatas, asukal, yelo, sago at gulaman.

Ang gatas na ginagamit diyan ay karaniwang evaporated milk o fresh milk na nagbibigay ng creamy na lasa sa inumin, habang ang sago at gulaman na inihahalo rito ay nagbibigay naman ng texture at karagdagang lasa.

Buko Juice

Buko Juice

Ang buko juice ay isang natural na inumin ng Pilipinas na straight from the coconut.

Paborito ito ng marami dahil sa taglay nitong sariwang lasa at nutrisyon. 

Ito ay kilala rin bilang “coconut water” na inihahain na malamig o may yelo.

Fruit Salad Drink

PHOTO from The Peach Kitchen, Foxy Folksy

Very refreshing at masustansya rin itong fruit salad drink na gawa naman sa iba’t-ibang klase ng prutas at iba pang sangkap.Ang samalamig na ito ay maaaring iba-iba depende sa kung anong prutas ang available o ayon sa kagustuhan ng guamagawa.

Maliban sa prutas, nilalagyan din ito ng gatas, fruit juice at asukal o syrup.

Mais Con Yelo

PHOTO from Ocado

Ang paggawa nito ay halos kapareho lang ng Halo-Halo, ngunit mas kaunti ang sangkap nito.

Mula sa salitang Mais Con Yelo, ang pangalan nito ay literal na nangangahulugang “mais na may yelo.”

Ito ay isang masarap at pampalamig na kombinasyon ng mais, gatas, asukal, at yelo.

Calamansi Juice

PHOTO from Recipedia

Ang calamansi juice ay isang masarap at pampalamig na inumin mula sa katas ng calamansi, isang maliit na citrus fruit na karaniwang matatagpuan sa ating bansa at ibang bahagi ng Southeast Asia. 

Kilala ito sa kanyang maasim at matamis na lasa na may natural at masustansyang dala sa katawan.

Madali lang itong gawin sa bahay dahil pipigain lang naman ang katas ng kalamansi at pwede nang haluan ng asukal o honey sa isang malamig na tubig.

Milktea

PHOTO from Bontea Cafe

Isinama na rin namin sa listahan ang milktea, lalo na’t usong-uso ito ngayon sa maraming kabataan dahil sa napakarami nitong pagpipiliang flavors at toppings.

Ito ay isang kombinasyon ng tsaa at gatas, at kadalasang nilalagyan ng mga iba’t ibang flavor o toppings tulad ng pearls (sago), jelly, o cheese foam.

Para sa inyo mga ka-Bandera readers, ano ang pinakapaborito mong samalamig tuwing tag-init?

Read more...