SINO sa inyo ang single parent na nagko-commute at sumasakay ng tren?
Maswerte kayo bukas, April 20, dahil maliban sa pagdiriwang ng “Solo Parent’s Day,” may handog na libreng sakay ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) para sa inyo!
Ayon sa mga pamunuan, ipatutupad ang free rides sa peak hours ng operasyon ng linya mula 7:00 a.m.hanggang 9:00 a.m. at 5:00 p.m. until 7:00 p.m.
Ang kailangang ipakita sa MRT-3 ay valid solo parent’s ID, gayundin sa LRT-2 o kaya ay Solo Parent Certificate of Eligibility.
Sa isang pahayag, sinabi ni Transportation Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino na nais nilang ipadama ang kanilang paghanga sa single parents.
Baka Bet Mo: DOTr maghihigpit ng seguridad sa MRT-3 matapos tumalon ang isang pasahero
“Saludo po ang MRT-3 sa lahat ng solo parents na ubos-lakas na nagsasakripisyo upang maitaguyod ang kanilang mga anak. Hangad po namin na sa aming libreng sakay ay mapasaya namin sila sa kanilang espesyal na araw,” sey ni Aquino.
Aniya pa, “Nawa po ay maipadama namin sa lahat ng solo parents ang aming paghanga at pagpapahalaga sa kanilang mga sakripisyo.”
Halos pareho din ang inihayag ni LRTA Administrator Hernando Cabrera na bilib na bilib sa solo parents na mag-isang itinataguyod ang kanilang pamilya.
“Tayo po sa LRTA, batid natin ‘yung bigat ng responsibilidad ng mga solo parent,” wika ni Cabrera sa isang Facebook post.
Dagdag niya, “Kaya naman sa pagdiriwang na ito, sana maiparamdam ng LRTA ang aming paghanga at pasasalamat sa inyo sa pamamagitan po ng handog naming libreng sakay.”
Sa ilalim ng Republic Act No. 11861 o ang “Expanded Solo Parents Welfare Act,” ang ikatlong linggo ng Abril ay pagdiriwang ng “Solo Parents Week,” habang ang ikatlong Sabado ng Abril ay ang “National Solo Parents’ Day.”
Ang pagdiriwang na ito ay para gunitain ang tungkulin ng bawat solong magulang sa bansa.