MAY kasabihan ang mga Pinoy, “kapag may sipag at tiyaga, may nilaga.”
Katulad na lamang ni JO1 Marlet Gain S. Cezar ng San Juan City Jail-Male Dormitory na kinilala dahil sa natatangi niyang dedikasyon sa paglilingkod sa bayan.
Si Marlet ang itinanghal na “Best Jail Officer” sa naganap na 117th Araw ng nasabing siyudad noong April 11.
Ang award ay ipinagkaloob ni Mayor Francis Zamora bunga ng kanyang ipinamalas na kakaibang kontribusyon sa lipunan.
Ito ay hindi lamang dahil sa pagpapanatili ng kahusayan sa loob ng piitan, kundi sa pagpapakita niya ng malalim na pangako sa pagsisilbi sa publiko.
Baka Bet Mo: #WomensMonth: Mga babae na ibinandera ang tibay, husay sa trabahong panlalaki
Nakapanayam ng BANDERA si officer Marlet at inamin niya na hindi niya inaasahan ang ibinigay na pagkilala sa kanya.
Gayunpaman, lubos siyang nagpapasalamat dahil sa loob ng siyam na taon sa serbisyo ay napansin ang kanyang “efforts” bilang isang jail officer.
“Nagulat po yet very much grateful for recognizing my effort as a jail officer po,” sey niya.
Nang tanungin naman namin siya kung paano siya napili, “[I was] recommended po by warden based on our accomplishment sa mga naatas sa amin na mga gawain.”
Isa si Marlet na nagbibigay inspirasyon sa maraming tao at ang mensahe niya, “‘Wag po makakalimot humingi ng gabay mula sa Itaas, maging mapagkumbaba at tapat lamang po tayo sa ating mga tungkulin, tiyak hindi tayo maliligaw.”
Congratulations, Marlet! Saludo kami sa iyong tagumpay at dedikasyon sa trabaho!