MAGTIWALA sa isa’t isa, maging mapagkumbaba at patuloy na mangarap.
Ilan lamang ‘yan sa mga natutunan ng P-Pop boy group na 6ense sa dalawang taon nilang pagte-training bago tuluyang ipakilala sa publiko ng BLVCK Entertainment.
Nakachikahan ng BANDERA ang grupo matapos ang kanilang debut concert at dito namin inusisa kung may mga napulot silang aral sa bawat isa sa tagal ng kanilang pagsasama.
“Sa lahat po ng hirap at lahat po ng problems na darating, natutunan po namin na magtiwala sa isa’t-isa and patuloy lang po lagi,” sey ng lead rapper na si Clyn.
Para naman sa lider at main vocalist ng 6ense na si Wiji, “Siguro po personally, ako natuto po akong mag-adjust talaga.”
Naikuwento pa niya sa amin na only child lang siya sa pamilya, pero dahil sa grupo ay naranasan niyang magkaroon ng mga kapatid at magsilbing kuya sa mga ka-miyembro.
Baka Bet Mo: 6ense wish maka-collab ang SB19; ‘Hate culture’ ibinandera sa debut single
“Kasi I grew up alone –hindi naman alone, pero only child po kasi ako. Being the eldest and being the kuya [of the group], sobrang malaking adjustment talaga sa akin and doon talaga na-form ‘yung trust namin sa isa’t-isa po talaga whether sa talent, sa personal life, everything,” wika ni Wiji.
Ani pa niya, “We know everything about everyone po. So ayun po, natutunan po namin ang magtiwala sa isa’t-isa.”
Dagdag naman ng center at lead dancer of the group na si Sevi, “Natutunan din namin as a whole group na be humble palagi and huwag bibitawan ‘yung dreams na kahit na mahirap ‘yung mga struggles niyo.”
Noong April 5 ang official launching ng 6ense na ginanap sa Music Museum sa San Juan City.
Hataw kung hataw ang grupo sa mga inihanda nilang performances na talaga namang tinilian ng kanilang fans – mula sa sariling rendition nila ng mga hit songs na “Kilometro” ni Sarah Geronimo, “LIHAM” by SB19, “Paligoy-ligoy” ni Nadine Lustre, at marami pang iba.
Bongga din ang pagtatanghal nila sa debut song na inilabas na rin sa parehong araw – ang “H.U.G.”
Para sa mga hindi pa aware, ang grupo ay may walong miyembro na sina Wiji (leader and main vocalist), Lee (lead vocals and visual), Sevi (center and lead dancer), Asa (lead vocals), Clyn (lead rapper), Jai (main rapper), Drew (lead dancer), at Pen (main dancer).
Nag-umpisang mabuo ang grupo nang ma-discover ng 6ense co-founder and talent manager na si Kiko Soto si Wiji, hanggang sa maging walo na ang miyembro nila sa gitna ng kanilang training days.
“Nakita niya lang po ako sa P-Pop con 2022. Doon po niya ako na-scout tapos naniwala po siya then sabi niya, gusto niyang bumuo ng P-Pop group, so I started po na mag-scout ng mga members,” chika ng lider ng grupo.