Paminsan-minsan lang kami nakakaengkuwentro ng isang babaeng maprinsipyo at may paninindigan. Karamihan kasi sa mga kabataan ngayon ay inconsistent, mabilis umuurong sa laban, hindi pa man ay nababahag na ang buntot.
Saludo kami sa pinanghahawakang paninindigan ni Janelle Manahan, ang inulilang karelasyon ni Ramgen Revilla dalawang taon na ang nakararaan nu’ng October 28, walang pagbabago ang kanyang mga pahayag at talagang makikipagtuos siya sa mga salarin hanggang sa huling yugto ng laban.
Hindi pinayagan ng husgado ang paglalagak ng piyansa ng numero unong pinagbibintangan sa naganap na pagpatay, nakahinga nang maluwag si Janelle nang sabihin ng kanyang abogado na hindi pansamantalang makalalaya si RJ Bautista na utol ni Ramgen, alam niya na manganganib ang kanyang buhay kapag nangyari ‘yun.
“Ako naman at ang pamilya ko ang hindi magkakaroon ng peace of mind kapag nangyari ‘yun, he doesn’t deserve it, hindi siya dapat makapag-bail.
Alam ko po ang buong pangyayari, ipakuwento man sa akin ‘yun ngayon ng court, kayang-kaya kong ulitin ‘yun na parang kahapon lang nangyari ang pagkawala ni Ramgen,” madiing pahayag ng matapang at magandang dalaga.
Para kay Janelle Manahan, ang pagkakaroon ng hustisya ng pagkamatay ni Ramgen Revilla ang tanging maigaganti niya sa kabutihan nito nu’ng magkarelasyon pa sila, kapag nakamit na ‘yun ng namayapang aktor ay mapapahinga na ang kanyang kalooban.
‘Yun na lang ang hinihintay niya ngayon, ang mabigyan ng saysay at hustisya ang pagkamatay ng lalaking minahal niya nu’n nang higit pa sa kanyang buhay, ng lalaking rumespeto at nagmahal sa kanya sa isang uri ng estadong hindi niya makakayang ilarawan ngayon sa mga salita lang.
Kahanga-hanga ang katapangan ni Janelle Manahan.
( Photo credit to Google )