MAY bagong boy group ang magpapasabog ng talento sa pagsayaw at pagkanta sa mundo ng P-Pop!
Sila’y walang iba kundi ang grupong “6ense” ng BLVCK Entertainment na opisyal nang nagpakilala sa publiko kamakailan lang.
Kabilang ang BANDERA sa mga naimbitahan na media para sa kanilang Debut Showcase Day na ginanap sa Music Museum sa San Juan City noong Biyernes, April 5.
Baka Bet Mo: SB19 dream maka-collab si Bruno Mars; walang isyu sa ibang K-pop group
Hataw kung hataw ang grupo sa mga inihanda nilang performances na talaga namang tinilian ng kanilang fans – mula sa sariling rendition nila ng mga hit songs na “Kilometro” ni Sarah Geronimo, “LIHAM” by SB19, “Paligoy-ligoy” ni Nadine Lustre, at marami pang iba.
Bongga din ang pagtatanghal nila sa debut song na inilabas na rin sa parehong araw – ang “H.U.G.”
Eksklusibo naming nakapanayam ang boy group at lubos silang nagpapasalamat dahil nagbunga na raw ang kanilang paghihirap makalipas ang dalawang taong training.
At bilang ngayon pa lang napakilala ang grupo, heto ang ilan sa mga basic information tungkol sa kanila:
Walong miyembro ang bumubuo sa 6ense na sina Wiji (leader and main vocalist), Lee (lead vocals and visual), Sevi (center and lead dancer), Asa (lead vocals), Clyn (lead rapper), Jai (main rapper), Drew (lead dancer), at Pen (main dancer).
Paano nabuo ang grupo?
Ayon sa lider ng grupo na si Wiji, nag-umpisa ito sa kanya matapos siyang ma-discover ng 6ense co-founder and talent manager na si Kiko Soto hanggang sa maging walong miyembro na sila sa gitna ng training days.
Kwento pa niya, “Basically, I scouted all the members po to form a group with the help of my co-founder, Boss Kiko.”
“Actually fun fact, nakita niya lang po ako sa P-Pop con 2022. Doon po niya ako na-scout tapos naniwala po siya then sabi niya, gusto niyang bumuo ng P-Pop group, so I started po na mag-scout ng mga members,” chika pa ni Wiji.
Patuloy niya, “Nagkaroon ng lineup na six tapos naging eight. So now, we were launched with eight members. We are thankful to BLVCK Entertainment because our agency believed in us and ni-launch kami after two years.”
Ibig sabihin ng ‘6ense’
Ang pangalan ng grupo ay nahahati sa dalawa – ang numerong ‘6’ para sa paniniwala nilang “six degrees of separation” at ang salitang ‘sense’ na karaniwan ay mga pandama ng isang tao upang makakita, makarinig, makaramdam at makaamoy.
Lima lang talaga ang senses sa katawan at ang pang-anim daw ay ang kanilang grupo, ayon kay Wiji.
“Naniniwala kami sa ‘six degrees of separation’ kaya po ang tagline namin is always one, because lahat tayo sa mundo magkakakilala talaga tayo. We are always somehow connected in six degrees,” sambit ng group member.
Chika pa niya, “Nagugulat kami, pinsan pala ni ganito si ganito. Tapos ‘yung ‘sense’ naman po is technically, mayroong five senses pero pag pinapanood niyo ‘yung 6ense, mararamdaman niyo po ‘yun lahat, kami po ’yung pang-anim na sense niyo.”
Mga dapat abangan sa 6ense
Marami ang kaabang-abang sa P-Pop group at ilan na nga raw diyan ang mga nakapila nilang singles na inaasahang mare-release ngayong taon.
Next year din daw ay posible nilang ilabas ang kauna-unahan nilang album.
Sa ngayon, naghahanda sila sa kanilang promotional tour para sa debut single na “H.U.G.”
Pahayag ng grupo, “Our promotion era ng H.U.G., magle-Leyta po kami, magkakaroon din po kami ng north tour sa Baguio, sa Ilocos Norte, La Union, Isabela. So doon po kami magpo-promote ng aming title track na H.U.G.”