USAP-USAPAN ngayon sa social media ang lalaking nagpa-tattoo sa noo ng logo ng takoyaki store nitong Lunes, April 1.
Isang “April Fools” post na ngayon ay burado na ang ibinahagi sa Facebook page ng naturang takoyaki store kung saan hinamon nila ang followers na magbibigay sila ng P100,000 sa magpapa-tattoo ng kanilang logo sa noo.
May pa-mechanics pa nga sa naturang artcard ngunit mababasa ang “April Fools’ Day!”
Ngunit isang netizen ang tinotoo ang dapat sana’y entry lang ng naturang takoyaki store sa April Fools at nagkomento na kasalukuyan nang nagpapa-tattoo sa noo.
“Sir nag-pm po ako sa inyo ginagawa na po wait po ako ng chat ninyo,” komento ng netizen sa kanilang post.
Baka Bet Mo: Magulang ng viral baby sa concert ni JK Labajo, nagsalita na
Muli namang nag-post ang takoyaki store sa kabilang page kalakip ang larawan ng lalaking nagpa-tattoo ng “Taragis” logo sa noo at sinabing hindi sila accountable sa na nangyari.
“Let this serve as a reminder to us all how important reading comprehension is. It’s April Fools’ Day. Never trust anything or anyone. The same as any other day,” sey ng Taragis sa isang hiwalay at burado na ring post.
Umani naman agad ito ng samu’t saring komento mula sa netizens ang naturang pangyayari.
“A reminder not to pull pranks on the working class. Hindi lahat makakakuha ng ‘jokes’ nyo na yan. The least Taragis should do is shoulder the laser removal of that ugly ass logo and give him his 100k,” saad ng isang netizen.
Comment naman ng isa, “Legally, Taragis isn’t accountable for any damages since the caption clearly instructed users to click the photo for the mechanics, revealing the April Fool’s context. But sabi pa nga, not everything legal is necessarily moral. If I were them, give ko na yang 100k kay kuya.”
“Iritang irita talaga ako sa mga nagsasabing mali din talaga ni tatay na nagpauto siya sa Taragis prank. Okay lang ba kayo? Mag-assess nga kayo ng sarili ninyo. Lol,” sey naman ng isa.
Marami naman ang nagpaabot ng blessing at pera sa lalaking nagpa-tattoo sa noo dahil sa sinabi ng may-ari ng takoyaki store na hindi sila accountable sa nangyari at hindi nila ibibigay ang P100,000.
Samantala, pinuntahan naman ng may-ari ng takoyaki store ang lalaking nag-patattoo ng logo nila sa noo para alamin kung ano ang kundisyon nito matapos gawin ang kanilqng “challenge”.
Dito ay napag-alaman niya na ginawa ito ng lalaki para sa kanyang bunsong anak na may down syndrome.
“Unexpected lahat nang nangyari. Ito may anak pala si tatay na may special na karamdaman,” saad ng may-ari na si Carl Quion.
“Kumbaga, yung April Fools’ Day na post namin, naging daan pa para makilala ko siya at kahit papaano, may napasaya kaming bata.”
Humingi naman ito ng tawad sa kanyang ginawang pagkakamali at sana’y maging lesson ito sa katulad niyang social media personality.
“Kaya sa mga nagkaroon ng negatibong pananaw sa naging April Fools’ post namin, humihingi ako ng tawad.
“At sana magsilbing aral ito sa ating lahat, lalo na sa mga kapwa influencers ko o brand na nasa internet na maging responsable tayo sa lahat ng ina-upload natin,” dagdag pa ni Carl.