MAHALAGA ang paggunita ng Semana Santa o Holy Week lalo na sa mga Pilipino na may sagradong paniniwala bilang Katoliko.
Sa katunayan, tinaguriang “Asia’s Bastion of Christianity” ang Pilipinas at isa rin ito sa mga bansang may malaking bilang ng mga Katoliko.
Kaya naman hindi na rin kataka-taka na talagang binibigyan ng importansya ang Mahal na Araw sa kabila ng iba’t-ibang kultura at paniniwala ng mga Pilipino.
Tuwing Semana Santa, ginugunita ang istorya ng paghihirap, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Hesus upang iligtasn ang Sangkatauhan mula sa kanilang pagkakasala.
Kaugnay nito ay ang iba’t ibang tradisyon na nakalakihan na ng marami at naging parte na rin ng kanilang panata bilang isang Katoliko.
Halina at alamin ang ilan sa mga tradisyon na hindi mawawala tuwing Semana Santa.
PALM SUNDAY
Ang Palm Sunday o Araw ng Palaspas ang hudyat na simula na ang Holy Week. Ito ay pinaniniwalaang araw ng pagdating ni Hesus sa Jerusalem bilang Hari at Tagapagligtas.
Tuwing Palm Sunday ay nagsisimba ang mga Katoliko na may dalang palaspas na iwinawagayway sa pagpasok ng pari sa simbahan bilang pagsasadula ng pagdating ni Hesus sa Jerusalem.
FASTING AT PAG-IWAS SA PAGKAIN NG KARNE
Isa na rin sa mga nakaugalian ng mga Katoliko tuwing Semana Santa ay ang pag-aayuno at pangingilin o pag-iwas sa pagkain ng karne. Ito ay bilang pag-alala sa pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus.
PABASA NG PASYON
Kabilang rin ang Pabasa ng Pasyon sa mga sagradong tradisyon tuwing Holy Week. Ang “Pasyong Mahal” ay tula na mula pa sa ika-16 na siglo na nagkukuwento tungkol sa buhay, paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus na pakantang binabasa. Kadalasan rin ay mga babaeng Katoliko ang mga kabilang sa Pabasa.
Baka Bet Mo: Tradisyon, iba pang ganap ng mga celebrities tuwing Semana Santa
PRUSISYON
Isa ang prusisyon o parada sa mga highlight at inaabangan ng mga Pilipino tuwing Semana Santa kung saan ipinaparada ang mga life-size images nina Hesus, Virgin Mary, ng mga santo, pati na rin ang replica ni Nazareno na nangyayari sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
Marami sa mga Katolikong deboto ang sumasali sa prusisyon habang nagdarasal bilang parte ng kanilang penitensya.
VISITA IGLESIA
Ang Visita Iglesia ay isang tradisyon ng mga deboto tuwing Holy Week kung saang bumibisita sila sa pitong simbahan habang nagdarasal ng Holy Rosary.
SENAKULO
Ang Senakulo ay mula sa French word na “cenaculo” na nangangahulugang “lugar kung saan naganap ang Huling Hapunan nI Jesus at mga apostol”.
Ito ay reenactment ng passion at death ni Hesus na madalas isinasadula tuwing Holy Week.
CRUCIFIXION
Isa rin ang crucifixion o pagpapapako sa krus sa mga tradisyon o penitensya ng ilang mga lalaking Katoliko tuwing Semana Santa.
Sa katunayan, sa San Fernando, Pampanga ay may mga lalaking deboto na gumaganap bilang Hesus na nagpapapako sa krus.
Ito ay kadalasang ginagawa tuwing Good Friday.
MORIONES FESTIVAL
Ang Moriones Festival ay isang lenten and religious festival na ginaganap tuwing Holy Week sa isla ng Marinduque.
Ito ay kadalasang nilalahukan ng mga lalaki kung saan nagsusuot sila ng mga costumes at mga maskara bilang pagre-reenact sa mga Roman soldiers na dumukot kay Hesus.
SALUBONG
Ang Salubong ang ginagawa tuwing umaga ng Easter Sunday o Linggo ng Pagkabuhay kung saang ipinagdiriwang ang pagkikita ni Virgin Mary at Hesus matapos ang kanyang muling pagkabuhay.
Bagamat ito ay madalas lang mangyari tuwing Semana Santa, tandaan na dapat ay araw-araw nating inaalala ang paghihirap at sakripisyo ni Hesus upang tayo’y iligtas mula sa ating pagkakasala at nararapat lamang na magpasalamat sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa kapwa.