Talo na naman ang Heat

WHAT’S wrong with the Miami Heat?
‘Yan marahil ang tanong ng karamihan sa mga NBA fans na nagtataka kung bakit ang two-time defending NBA champion ay nakalasap ng two-game losing streak.
Binuksan ng Heat ang 2013-14 season sa maigting na panalo kontra Chicago Bulls na kinokunsidera na isa sa pinakamalakas na koponan sa Eastern Conference. Pagkatapos nito ay nakalasap ng dikit na kabiguan ang Miami kontra Philadelphia 76ers (110-114) at Brooklyn Nets (101-100).
Kung tutuusin kasi, mas malakas ang koponan ngayon kaysa noong isang taon dahil nakuha ng Heat ang dati nilang player na si Michael Beasley pati na rin sina shooting guard Roger Mason Jr. na may 40% career three-point shooting accuracy at center Greg Oden na malaki ang maitutulong sa depensa ng Miami.
Si Beasley ang No. 2 overall pick ng Heat sa 2008 Rookie Draft. Naglaro siya ng dalawang taon sa Miami at nag-average ng mahigit 14 puntos kada laro. Lumipat siya sa Minnesota Timberwolves kung saan naglaro siya ng dalawang seasons bago napunta sa Phoenix Suns last year.
Bagaman nakapaglaro siya sa preseason ay hindi pa siya nagagamit ng Miami sa season na ito, gayundin si Oden.
Si Mason naman ay nakapaglaro ng 14 minuto kontra 76ers at tumira ng 1-of-2 mula sa tres para sa tatlong puntos.
Kumbaga, hindi pa talaga napapakinabangan ng Heat ang tatlong players na ito at patuloy pa ring umaasa si coach Eric Spoelstra sa mga dati niyang bataan.
So, kung hindi nagbago ang tropa ni Spoelstra, bakit sila natalo sa 76ers, na sinasabi ng ilang NBA experts na hindi uusad sa Playoffs sa season na ito, at Nets, na hindi kasama ang nasuspinding head coach nitong si Jason Kidd kahapon?
Natalo ang Heat sa 76ers noong Huwebes dahil nakapagtala ng isang monster game ang rookie point guard ng Philadelphia na si Michael Carter-Williams. Biruin mo namang ang 11th overall pick ng 2013 Draft ay kumulekta ng 22 puntos, 12 assists, pitong rebounds at siyam na steals na league record para sa isang debut game.
Sa laro ring iyon ay ipinahinga ng Heat si Dwyane Wade para ipahinga ang kanyang namamagang tuhod.
Nagbalik naman si Wade laban sa Nets kahapon at gumawa ng 21 puntos pero natalo pa rin ang Heat kahit pa umiskor din ng pinagsamang 43 puntos sina LeBron James at Chris Bosh.
Kahapon kasi, parang kinapos lang ang Heat. Naunahan sila ng Nets at nalamangan ng malaki sa first half tulad ng ginawa ng 76ers sa kanila. Humabol ang Heat sa second half pero sa dulo ng laro, kinapos ang Miami. Nakalapit ang Heat kontra Nets, 98-99, sa tres ni LeBron, may 4.7 segundo na lang ang natitira pero naipasok ni Joe Johnson ang dalawa niyang free throws para masiguro ang panalo.
Kontra Philadelphia naman ang sentrong si Spencer Hawes ang pumatay sa Miami sa dulo ng laro.
So, what’s wrong with the Miami Heat?
Nothing, really.
Hindi pa kasi tinotodo ng Miami ang kanilang laro dahil, siyempre, umpisa pa lang ng season. ‘Yung dalawang talo nila ay parehong dikitan ang laban at naunahan lang sila ng kanilang mga kalaban.
Hindi ko naman sinasabing pwede na silang magpabaya dahil two-time defending champion na sila. Expected naman talagang puntirya sila ng 29 other teams at inaasahang maglalaro ng mas maigi ang mga kalaban
nina LeBron, Wade at Bosh.
Well, kapag next week nagtatatalo pa rin ang Heat, e talagang may problema na sila. Pero ngayon, sa tingin ko hindi pa nila kailangang mag-panic.
Tsaka, maganda rin naman ang nilalaro ngayon nina Ray Allen, Mario Chalmers, Chris Andersen at Udonis Haslem kaya sure ako na makakabalik pa rin sa Playoffs ang Miami.

Read more...