MIAMI HEAT NASILAT NG BROOKLYN NETS

NEW YORK — Umiskor sina Paul Pierce at Joe Johnson ng tig-19 puntos para tulungan ang Brooklyn Nets na tapusin ang ilang taon ng kabiguan sa kamay ng Miami Heat matapos nilang maungusan ang NBA champions, 101-100, kahapon.

Kapwa nagbuslo sina Pierce at Johnson ng dalawang free throws sa mga huling segundo ng laro para mapigilan ang huling ratsada ng Heat, na nahulog sa 1-2 kartada at nakalasap ng dalawang sunod na pagkatalo sa unang pagkakataon magmula noong Enero 8 at 10.

Nakasamang muli ng Heat si Dwyane Wade matapos na hindi ito makalaro laban sa Philadelphia 76ers noong Huwebes. Gumawa si Wade ng 21 puntos.

Si LeBron James ang nanguna para sa Miami sa kinamadang 26 puntos.

Winakasan din ng Nets ang kanilang 13-game losing streak laban sa Heat sa pagtala ng kanilang unang panalo magmula noong Marso 20, 2009 at bago nabuo ang Big Three ng Miami at ang Nets ay nasa homecourt pa nila sa East Rutherford, New Jersey.

Spurs 91, Lakers 85

Gumawa si San Antonio guard Tony Parker ng 24 puntos at anim na assists habang si Kawhi Leonard ay nagdagdag ng 15 puntos at 11 rebounds para pangunahan ang Spurs sa panalo kontra Los Angeles Lakers kahit hindi nakapaglaro si Tim Duncan.

Tumira si Parker ng tiebreaking jump shot may 2:13 ang nalalabi bago nagbida si Manu Ginobili, na umiskor ng 20 puntos mula sa bench, sa pamamagitan ng isang krusyal na defensive play at dunk sa huling segundo ng laro na road opener ng Spurs.

Si Pau Gasol ay gumawa ng 20 puntos at 11 rebounds para pangunahan ang Lakers.

Clippers 110, Kings 101

Gumawa si Chris Paul ng 26 puntos at 10 assists para itala ang ikatlong sunod na double-double para pamunuan ang Los Angeles Clippers sa pagwawagi laban sa Sacramento Kings.

Nag-ambag si Blake Griffin ng 20 puntos, 17 rebounds at anim na assists habang ang reserve na si Jamal Crawford ay nagdagdag ng 18 puntos para sa Clippers, na nanalo ng dalawang sunod matapos ang season-opening loss sa kamay ng Lakers.

Timberwolves 100, Thunder 81
Nagtala si Kevin Love ng 24 puntos at 12 rebounds habang si Ricky Rubio ay nagdagdag ng 14 puntos, 10 assists at limang steals para pangunahan ang Minnesota Timberwolves sa panalo kontra Oklahoma City Thunder.

Si Nikola Pekovic ay nag-ambag ng 15 puntos at 10 rebounds para sa Minnesota.

Read more...