LOOKING fresh and beautiful pa rin ang Kapuso actress na si Nadine Samonte na ngayon lang uli namin nakita makalipas ang ilang taon.
Present ang celebrity mom sa premiere night ng bago niyang pelikula, ang inspirational drama na “Layas” mula sa Pinoyflix Films, sa direksyon ni Jose “JR” Olinares at showing na ngayon sa mga sinehan.
Nakachikahan ng ilang members ng press si Nadine sa nasabing event na ginanap sa SM Megamall Cinema 8, at inamin niyang na-miss talaga niya ang pag-arte kaya talagang pinaghandaan ng aktres ang pagbabalik-showbiz.
In fairness, ang ganda-ganda pa rin ni Nadine bukod pa sa ang laki na ng kanyang ipinayat. Hindi nga halatang may tatlo na siyang anak.
Halos 10 kilo raw ang nawala sa kanya dahil sa pagba-boxing at pagda-diet, “Pinaghandaan ko talaga ito (pagbabalik-showbiz). Grabe rin ang diet na ginawa ko.
“Sabi ko, kapag nag-comeback ako, kailangan payat ako. Eh, lumaki talaga ako nang sobra. So nagba-boxing ako, aside from diet. At masaya ako ngayon,” sey pa ni Nadine.
Dalawang taong gulang na raw ang kanyang bunsong anak kaya pwede na siyang mag-showbiz uli. Super supportive naman daw sa kanya ang asawa.
“Basta salitan kami ng husband ko, kapag wala ako sa bahay, dapat nandoon siya. It’s time for me to work.
“Hinahanap ko talaga ang pag-arte, ang magtrabaho, magpuyat. Kaya noong mabigyan ako ng chance, in-accept ko na kasi, dahil sayang naman,” ani Nadine.
Sa tanong kung may limitasyon na ba siya sa pagbabalik-showbiz, “Alam naman niya na ako mismo ang umaayaw, like hindi na puwede ang kissing scene, o bed scene. Siguro mga smack lang.
“Actually, ang husband ko mismo ang may gusto (pagpapa-sexy). Siya ang nagsasabi na okay lang. Ako talaga ang nagsasabi na wait lang, tingnan muna natin. Ha-hahaha. Mas conservative talaga ako sa kanya,” sabi pa ni Nadine.
Samantala, puring-puri naman ni Direk Jose si Nadine dahil wala pa rin itong kupas sa pag-arte dahil puro take one lang ang mga eksena.
Base sa true-to-life stories ang “Layas” na isang heart-rending story ng limang naglayas na bata na nakaranas ng hirap at mga pagsubok sa buhay hanggang sa makamit nila ang inaasam na tagumpay.
Isinulat ito ni Jocelyn Rayton, executive producers naman sina Norida Nakamura, Tricia Bancod, at Mary Ann Villamor. Kasama rin dito sina Michelle Vito, Joem Bascon, Alex Medina, Dianne Medina, Ping Medina, Dindo Arroyo, Pamela Ortiz, Poppo Lontoc, Trish Bancod, with the special participation of Norida Nakamura.
Nandiyan din ang mga batang bida sa “Layas” na sina Alodia Buenio, Kristine Buenio, RG Guinolbay, Gwynn Villamor, James Estrella.
Showing na ngayon ang “Layas” sa mga sinehan at mapapanood din sa ibang bahagi ng Amerika at Japan.
Rated R-13 ang “Layas” ng MTRCB at sinuportahan ng Municipal Social Welfare and Development (Binangonan), Pamahalaang Bayan ng Binangonan, Pamahalaang Bayan ng Tanay, at Team Foundation.