HINDI nakaligtas ang Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards sa pagiging totoo at diretso ng yumaong veteran actress na si Jaclyn Jose.
Rebelasyon ng Kapuso superstar, nakatikim din siya ng “panlalait” mula sa kanyang nanay-nanayan sa showbiz noong mga unang taon niya sa larangan ng pag-arte.
Sa isang TikTok video na napanood namin na kuha sa burol ng Cannes Film Festival best actress, inalala ni Alden ang mga pinagsamahan at bonding moments nila together.
Simula pa lang ng eulogy ng binata ay emosyonal na ito at garalgal na ang boses dahil sa matinding sakit at kalungkutan na kanyang nararamdaman sa pagpanaw ni Jaclyn na ilang beses din niyang nakatrabaho.
“The reasons why I didn’t prepare any speech goes to show kung gaano po ako hindi ka-ready sa pag-alis ni Tita Jane,” simulang pagbabahagi ni Alden.
Baka Bet Mo: Coco may mga nakitang premonisyon sa taping bago pumanaw si Jaclyn Jose
“The first time I worked with Tita Jane was during Mundo Mo’y Akin. That’s the first time,” pagpapatuloy ng binata na ang tinutukoy ay teleserye ng GMA na umere noong 2013.
“Then hindi po… ang role ko po du’n is, since apo po niya si Louise Delos Reyes, ako po yung humahabul-habol (sa karakter ni Louise).
“So, nakatikim po ako ng mga lait in terms of scenes kay Tita Jane,” pag-amin ni Alden. Ang sabi raw sa kanya noon ni Jaclyn, “Ah, wala (bagsak sa aktingan). May mga nakukuha din po akong ganu’n.”
Inilarawan din ni Alden ang style ni Jaclyn sa trabaho at pakikisalamuha sa mga artistang nakakasama niya sa pelikula at teleserye.
“Parang si Tita Jane kasi may gate iyan e. Tapos may security guard din siya sa gate na yun na siya rin. Tapos, iaano ka muna, kumbaga sa trabaho, screening muna bago ka niya papasukin sa buhay niya,” chika ng Kapuso star.
Nagsimula raw silang maging close ng pumanaw na aktres nang muli silang magkasama sa Kapuso primetiime historical series na “Ilustrado” noong 2014 at sa “The World Between Us” taong 2021 hanggang 2022.
Nauna rito, nabanggit din ni Alden sa panayam ng ABS-CBN na parang namatayan uli siya ng ina sa pagpanaw ni Jaclyn Jose.
“I lost someone special. I know I really lost something special. Mahirap. It’s very difficult to…para kong nanay yan. e.
“That’s why na yun po ang inilagay ko sa post ko na my heart aches like a son who lost his mom because that’s how I feel. Parang the same feeling when I lost my mom. Same feeling now,” pagbabahagi ni Alden.
Naihatid na sa kanyang huling hantungan si Jaclyn kahapon, March 10.