Ang adik na kongresista

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

IPINAKITA muli ni Pangulong Noy ang kanyang mahinang liderato nang alisin niya kay Undersecretary Rico E. Puno ang pananagutan sa kapalpakan sa hostage crisis sa Luneta noong Aug. 23.
Sina Puno at dating PNP chief Jess Verzosa ay pinananagot ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) sa pangyayari na nagbigay ng malaking kahihiyan sa bansa sa buong mundo.
Ang IIRC ay pinamunuan ni Justice Secretary Leila de Lima.
Pero binalewala nina Executive Secretary Paquito Ochoa at Presidential Chief Legal Adviser Ed de Mesa ang rekomendasyon ni IIRC.
Inalis nina Ochoa at De Mesa ang mga pangalan nina Puno at Verzosa sa listahan ng mga opisyal na dapat managot sa buong pangyayari.
Si Puno ang lider ng national crisis management committee na namahala sa hostage crisis.
Sinisisi siya ng IIRC dahil sa kanyang palpak na paghawak ng krisis.
Sinisisi si Verzosa dahil bumiyahe siya sa Cagayan de Oro City sa kasagsagan ng hostage crisis kahit na alam niya na mahalaga na nasa Maynila siya.
Malaking sampal kay De Lima ang ginawang pag-abswelto kina Puno at Verzosa.
Parang hindi pinahalagahan ng Pangulo ang IIRC report.
Paano mo naman paniniwalaan ang review na ginawa sa IIRC report samantalang maaaring ginawa ito habang lasing itong si Ochoa?
Kalat na ang pagiging lasenggo ni Ochoa.
Palagi itong amoy alak kapag pumapasok sa opisina at palagi raw itong natutulog sa kanyang opisina dahil sa hang-over sa magdamagang inuman sa kanyang mga kaibigan at kaklase sa Ateneo College of Law.
Ilang beses ding nakita itong si Ochoa na nakahandusay sa sofa sa lobby ng Peninsula hotel sa Makati sa dis-oras ng madaling araw.
Palagi niyang kasama ang isang tanyag na artista at isang tanyag na singer.
Sa mga Pinoy, walang kaso na mambabae ang isang public official as long as his philandering doesn’t affect his job.
Pero ibang usapan na kapag ang iyong gawain sa labas, gaya ng labis na paglalasing, ay nakakaapekto na sa iyong tungkulin.
Igalang mo naman, Mr. Secretary, ang iyong mataas na tungkulin!
Hindi ka kaminero na puwedeng humiga sa kalye dahil sa kalasingan. Ikaw ay Executive Secretary na paminsan-minsan ay tinatawag na Little President.
Ang iyong paglalasing ay makakaapekto sa imahen ng Pangulo ng Pilipinas.
* * *
Isang kongresista na taga-Visayas ang sobrang adik sa shabu.
Palaging bangag daw itong si Mr. Congressman kaya’t madalas na hindi makita sa kanyang opisina.
At kapag pumasok naman daw ito ay pinagdediskitahan ang kanyang mga tauhan.
May ilang pagkakataon daw na hinahagisan ni Congressman ang mga tauhan niya ng ash tray at stapler kapag siya’y nagagalit dahil sa pagiging bangag.
Ang misis ni Congressman, na isang napakagandang babae na malaki ang bata sa kanya, ay napapaiyak na lang daw dahil sa asal ng kongresista.
Akala raw kasi ni Ma’am ay naka-jackpot na siya kay Congressman dahil sa balitang mayaman na mayaman ito.
Pero naloko si Ma’am dahil haciendero nga si Congressman pero baun naman daw ito sa utang.
Hoy, Congressman, bakit di ka pumasok sa rehabilitation house para sa mga drug addicts?

Bandera, Philippine news at opinion, 101210

Read more...