Target ni Tulfo by Mon Tulfo
MATAAS ang popularity rating na ibinigay ng taumbayan kay Pangulong Noy sa kanyang 100 days in office: +60 percent.
Alam na taumbauyan na tapat si P-Noy sa kanyang tungkulin, mataas ang kanyang honesty and integrity.
Kagaya siya ng kanyang yumaong ina, si dating Pangulong Cory, sa pagiging matuwid sa panunungkulan.
Pero hindi alam ng taumbayan na mahina ang liderato ni P-Noy.
Isang halimbawa ay ang kanyang pagpanig kay Undersecretary Rico E. Puno sa mga paratang na may kinalaman ito sa lagayan sa jueteng.
Ipinagtanggol din ng Pangulo ang palpak na paghawak ni Puno ng hostage crisis sa Luneta kung saan walong turistang taga Hong Kong ang napatay ng hostage-taker.
Si Puno kasi ang may hawak ng Philippine National Police (PNP) at hindi si Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na dapat siyang namumuno.
Doon na lang sa pagbigay ng pamumuno ng PNP kay Puno sa halip na kay Robredo ay labag sa Saligang Batas o Constitution.
Makikita na rito na may kahinaan ang liderato ng Pangulong Noy.
Pero kahit na may kahinaan sa pagiging lider si Noynoy ay pinagkakatiwalaan pa rin siya ng karamihan.
* * *
Sana’y magising na si P-Noy sa mga pinaggagawa ng mga opisyal na malapit sa kanya.
Maraming mga abogado na bagong pasok sa administrasyon ni Noynoy na punung-puno pa ng idealism ay nadidismaya sa pagpili ng mga appointees for top positions sa Aquino government.
Isang mataas opisyal ng Malakanyang ay kumokolekta raw ng P5 million bawat isa sa mga taong gustong mailuklok sa puwesto bilang undersecretary.
Sa mga taong gustong maging assistant secretary, ang hinihinging na bayad ay P3 million bawat isa.
Isang opisyal sa Presidential Management Staff (PMS) ang kinompronta raw ni Ballsy, kapatid ni Noy, matapos malaman nito na naniningil ang PMS official ng P1 million sa mga aplikante para prosecutor (piskal).
Ang mga hindi raw kinokotongan para malagay sa puwesto ay mga fraternity brothers nina Executive Secretary Paquito Ochoa.
Marami raw Cabinet secretaries ang umaangal sa pagpupuno sa mga bakanteng puwesto sa kanilang mga departamento.
Hindi man lang daw sila kinokonsulta muna bago lagyan ng bagong appointees and kanilang departamento.
Nabibigla na lang daw ang mga Cabinet secretaries na ito na may mga taong pumupunta sa kanilang opisina dala-dala ang kanilang appointments papers na pirmado ng Pangulo.
Ang kawalan ng respeto sa isa’t isa sa inner circle ni Pangulong Noy ang maaaring magpahamak sa kanya sa darating na mga panahon.
* * *
May mga balita na pinipilit nina Puno at Ochoa na mapalitan si Robredo bilang DILG secretary ni dating PNP chief Jess Verzosa.
Si Verzosa ay nag-retire na may bahid sa kanyang pagkatao dahil sa kanyang pagkakasangkot sa jueteng at sa Luneta hostage crisis.
Kapag na-appoint si Verzosa, walanghiyaan na!
* * *
Sino itong dalawang opisyal na malaki raw ang naibigay sa kampanya ni Noynoy noong nakaraang eleksyon?
Ang balita ay tig-P200 milyon sila.
At alam ba ninyo na binabawi na ngayon ng mga opisyal na ito ang perang naibigay nila kay Noynoy sa pamamagitan ng pangungurakot?
Walanghiyaan talaga!
* * *
Itong si Secretary Ochoa ay madalas lasing na lasing.
Kapag pumapasok siya ng kanyang opisina sa Palasyo ay umaalingasaw siya ng alak.
Madalas daw na nag-iinuman siya at kanyang mga kaibigan sa Guest House ng Malakanyang.
Hanggang umaga raw ang laklakan.
Ilang beses na raw nakitang lasing at nakahandusay sa upuan itong si Ochoa sa Manila Peninsula Hotel.
Igalang mo naman ang iyong katungkulan, pare!
Bandera, Philippine news at opinion, 101110