Panic attack (2)

GAYA nang nabanggit natin nitong Miyerkules, durugtungan natin ang topic tungkol sa panic attack o nerbyos.

Ang nerbyos ay nag-uumpisa sa pagkabigla, ang pagdanas ng hindi inaasahan o kaya ng pagkakaroon ng karanasan na hindi maipaliwanag.

Habang nasa “state of shock” o pagkabalisa, ang “rationality or reasoning” ng isang tao ay nagsasara. Hindi niya naiintindihan ang mga nangyayari. Dahil dito, magkakaroon siya ngayon ng kaunting takot. Magpipigil siya sa paghinga dahil sa paghihintay sa susunod na pangyayari.

Sa umpisa ay may sapat pang “oxygen” sa utak nguni’t ang Carbon Dioxide ay unti-unti nang nag-iipon. Makakaramdam ng pagkahilo at parang nakalutang.

Sa puntong ito, madadagdagan ang takot na ang susunod na natural na pangyayari ay ang bilisan niya ang paghinga (Hyperventilation).

Lalakas ang kabog ng kanyang dibdib habang ang kanyang puso ay nagtatrabaho ng mabilis sa pagtibok para manatili ang blood pressure.

Susundan ito ng pagkatuyo ng lalamunan na maaaring maramdaman na parang bumabara sa paghinga.

Makakaramdam ng pamamanhid ng mga daliri, kamay, at paa na lalong nagdadagdag ng takot, “hyperventilation”, bilis ng tibok ng puso at pagkahilo, paninikip ng paghinga na siyang nagpapataas lalo ng takot (fear of death) na isang sitwasyon na ang tawag ay “vicious cycle” patungo sa “hypotension” o pagbaba ng presyon.

Sa puntong ito, posibleng himatayin o mawalan ng malay ang tao, na sa totoo lang ay nakakatulong sa pasyente dahil pag nakahiga na, ang “blood pressure” ay tataas patungo sa normal.

Dito ngayon magkakaroon ng malay at magigising. Sa buong pangyayari na ito, ang pasyente ay umuubos ng lakas o enerhiya na ang bottomline ay siyang nagdudulot ng sobrang stress sa katawan.

Iba’t-ibang reaksyon ang makikita sa mga naka-paligid sa pasyente.

Nandyan ang painumin ng tubig, himasin ang dibdib, kagatin ang hinlalaki ng paa o ano pa mang pamahiin.

Sa katunayan, may sariling paraan ang ating katawan na proteksyonan ang sarili laban sa panic attack at hindi na kinakailangan ng kumplikadong gamutan.

Ang mahalaga lang ay ang maiwasan na maaksidente habang nangyayari ang atake. Tandaan natin na malamang mangyari ang nerbyos kapag ang pasyente ay nag-iisa, walang makausap, madalas pa nga ay may malalim na iniisip at ang laging umpisa ay TAKOT.

Abangan sa susunod na isyu ng Dr. Heal kung paano maiiwasan ang panic attack o nerbyos.

Para sa mga katanungan, reaksyon o komento, i-text ang inyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606 o 09277613906.

Read more...