Si misis pwede sa CSI

NAPAKADALI nang matunton ang mga tao ngayon pati ang kumuha ng impormasyon tungkol sa iba, gamit ang makabagong teknolohiya at social media. Ganito ang ginamit na paraan ni Melissa Gambong. Facebook ang ginawang pagtunton ni Melissa sa mister na isang OFW na dalawang beses nang nakapag-abroad sa Qatar.

Maraming beses nang nahuli ni Melissa ang mister na nambababae sa pamamagitan ng FB.

Bago pa man tumulak sa ibang bansa si mister, alam na niyang mayroon itong ibang babae dahil sa mga naka-post sa FB account nito. Siyempre, hindi umaamin ang lalaki. Dumating sa puntong tuluyan nang hindi mabuksan ni misis ang FB account ni mister, idinahilan na lamang niya na na-hack umano ito.

Pero parang detektib nga ang ale kung kayat nahanap ang password para mabuksan ang FB ng mister. Pinagsama lang naman niya ang pangalan ng mister at ng babae nito. Tumpak! At naabasa niya ang lahat ng napag-usapan ng magkalaguyo.

Kinompronta ang mister, subalit gaya ng inaasahan, hindi pa rin ito umamin at siya pa ang may ganang magalit.

Sa isa pang pagkakataon, muling nakita ni Melissa ang mga naka-post na larawan sa FB na magkasama ang magkakulasisi, na iginiit naman ng mister na matagal na itong kuha.

Palibhasa’y wala nang tiwala sa mister, sinundo na ni Melissa ang mister sa airport nang umuwi ito noong Oktubre 3, 2013.

‘Hindi naman ako tatakas’, ang sabi ni mister sa kaniya nang magkita sila sa airport. Subalit kinabukasan, umalis ito ng bahay dahil pupunta daw sa POEA. Tatlong araw di umuwi ang mister at pagbalik sa bahay ay galit na galit ito at kesehoda may nagbabanta daw sa kanya sa text.

Magbabalik-abroad na naman si mister. Pero gusto nang makatiyak ni misis na hindi madedehado ang kanyang pamilya. At para masiguro ang kinabukasan ng mga anak, nagtungo siya sa ating programa sa Radio Inquirer.

Kwento niya malaki diumano ang sahod ng mister bilang HVAC (heating,ventilation at airconditioned) technician sa Saudi, kung kaya’t hiling niya na mabigyan sana siya ng tulong-legal para sa sapat at regular na maipadala ang financial support ng mister sa kanyang mga anak.

Kinukumpleto ngayon ni Melissa ang mga kinakailangang dokumento tulad ng marriage certificate, birth certificates ng kanilang dalawang anak at maging ang kumpletong gastusin nila sa isang buwan upang maiusad ang kahilingan niya. Samantala, gusto ng mister na sa Bantay OCW sila maghaharap ng asawa, upang gumawa ng kasunduan at nang mabigyan ng kalutasan ang problemang ito.

Taong 1990 nag-retiro bilang baker sa Royal Caribbean Cruise Line (RCCL) si Dario Ramos. May personal na dahilan umano siya kung kaya nagpasya siyang bumaba ng barko noong Abril 7, 2013.

Ayon sa polisiya ng RCCL, kapag nagretiro na ang tripulante nito, hindi na nila ito muling kukuni. Subalit, kung nais naman ng seaman na muling makasampa ng barko tulad ni Dario, pwede pa rin siyang hanapan ng ibang principal o employer ng lokal nitong manning agency.

Edad ni Dario ngayon ay 58 na pero umaasa siyang muling makapagtrabaho sa barko. Inindorso na ng Bantay OCW ang kaniyang aplikasyon sa Philippine Transmarine Carriers (PTC) na nagkataon namang kaniya ring lokal na manning agency upang hanapan na lamang siya ng ibang employer. Yamang napakaraming naglalayag na barko ang PTC gayundin ang malaking pangangailangan sa mga patrabaho sa kusina ng barko, nabuhayan ng pag-asa ang ating kabayan.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am-12:00 noon, audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm. Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700 E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...