PATULOY pa rin sa pag-arangkada ang “Black Rider” ni Ruru Madrid sa primetime at mas lalo pang dapat abangan ang malalaki at maaaksyong eksena gabi-gabi.
Kasama na riyan ang pagkakalantad sa tunay na pagkatao ni Elias na ginagampanan nga ng Primetime Action Hero na si Ruru.
Lalong nagiging kapana-panabik ang mga plot twist habang nabubunyag ang mga lihim ng pamilya ni Elias. Sa DNA test, malalaman na ni Señor Edgardo (Raymond Bagatsing) na si Elias ang kanyang nawawalang anak.
Samantala, handa na ring ibunyag ni Hugo (Archie Adamos) ang malagim na kuwento sa likod ng Palanga massacre. Pero lingid sa kanyang kaalaman, si Elias din ang nasa likod ng matagal na nilang tinutugis na si Black Rider.
At sa pagharurot ng lihim ng nakaraan, unti-unti ring lalamunin ng galit ang isa pang anak ni Señor Edgardo na Calvin (Jon Lucas). Paano nga ba haharapin ng tatlo ang kanilang sangandaang kapalaran?
Mismong si Ruru, nasasabik para sa mga manonood habang lalo pang lumalalim ang kuwento ng “Black Rider.”
“Expect bigger scenes, stunts, mas makabagbag-damdamin na mga eksena, mga drama. Pakikiligin din kayo ng mga eksena dito, patatawanin din kayo. Marami rin kaming mga guest na papasok dito sa Black Rider,” ayon sa aktor.
Ayon pa kay Ruru, nais lang nilang makapaghandog sa mga manonood ng isang dekalidad at pang-world class na palabas.
“Gusto lang din namin talagang ikuwento kung ano yung mga pagsubok na pinagdadaanan ng bawat Pilipino sa araw-araw.
“I guess ‘yun ‘yung secret ng Black Rider. Hindi lang siya basta action lang or drama lang kundi marami ka pang mapupulot na aral,” dagdag niya.
Kasama rin sa “Black Rider” sina Matteo Guidicelli, Yassi Pressman, at Katrina Halili. Tampok din ang mga iconic action star na sina Zoren Legaspi, Raymart Santiago, Gary Estrada, Isko Moreno, at Roi Vinzon, gayundin ang mga beteranong aktor na sina Rio Locsin, Gladys Reyes, Maureen Larrazabal, at Almira Muhlach.
Kasangga naman ni Elias bilang Biyaheros sina Empoy Marquez, Jayson Gainza, Janus del Prado, at Rainier Castillo habang ang tinik sa dibdib ang Golden Scorpion Boys na sina Dustin Yu, Joaquin Manansala, Kim Perez, Vance Larena, at Savior Ramos.
Ka-join din sa cast sina Michelle Dee, Herlene Budol, Prince Clemente, Mariel Pamintuan, Ashley Sarmiento, Marco Masa, Shanti Dope, Pipay, Ashley Rivera, at Turing.
Tutok lang sa “Black Rider”, 8 p.m. sa GMA Prime.