“IT’S a baby girl!” Yes! Babae ang magiging panganay na anak ng mag-asawang Maja Salvador at Rambo Nuñez.
Sa kanilang mga Instagram account, nag-post sina Maja at Rambo ng mga naging kaganapan sa naganap na gender reveal para sa kanilang first baby kagabi, January 31, sa M Residences, Acacia Estates sa Taguig City.
Ang naturang espesyal na event para sa buhay ng celebrity couple ay dinaluhan ng kanilang mga kapamilya at celebrity friends.
Ilan sa mga showbiz personalities na naki-party sa mag-asawa ay sina Kathryn Bernardo, Jericho Rosales, Darren Espanto, Chie Filomeno, at ang mga magdyowang sina Sofia Andres at Daniel Miranda, at Joshua Garcia at Emilienne Vigier.
Ayon kina Maja at Rambo na parehong naka-white OOTD sa kanilang pa-gender reveal, du’n pa lang nila nalaman na girl ang magiging panganay nilang anak.
Ang naging concept ng gender reveal, ay ang kulay ng relo na nakalagay sa loob ng isang box — blue watch para sa boy, habang ang pink watch naman ay girl.
Nang tanungin si Maja kung ano ang ine-expect niyang gender ng kanyang ipinagbubuntis, ang tugon ng aktres ay, “Kahit ano, at least dragon siya. Rawr!”
Palakpakan at sigawan naman ang mga bisita nang lumantad ang pink na relo kasabay ng pag-ulan ng pink confetti sa venue.
Nagyakap at nag-kiss naman sina Maja at Rambo nang malamang girl ang kanilang magiging unang anak.
Sa mga nakaraang interview kay Maja, ang palagi niyang nababanggit sana raw ay magkaroon sila ng kanyang asawa ng isang dragon baby (ipinanaganak sa Year of the Dragon) tulad niya.
Noong malaman ni Maja na buntis na siya ay talagang nagkaroon siya ng major adustment sa kanyang work at lifestyle
“Ako nu’ng first month and second month, hindi ko itatanggi na from sobrang workaholic ko or sa andami kong ginagawa every day in my life, cut to nakahiga lang ako.
“Nakahiga, hindi dahil hindi okay yung kapit. Strong si baby. Okay yung position niya, mataas daw, yung lining ko, yung kapit niya okay, so thank you Lord.
“Siguro sa sobrang strong niya, grabe yung nausea ko, grabe yung morning sickness ko na all-day sickness siya, di siya talaga morning sickness, so hindi ako makatayo.
“Parang ang tayo ko lang is hanggang banyo tapos yung parang every day nasa work to every day ako nasa bahay,” aniya.
Dagdag pa niya, “Parang naka-method acting ako na buntis ako,” drawing in laughter from people in the room.
“Parang hinahawakan ko na yung tiyan ko, or nakaliyad na ako kahit hindi pa sobrang laki. Yung feel na feel kong buntis ako.”